Nanganganib na Wika

Sanaysay ni Roberto T. Añonuevo

Wika ang artsibo ng kasaysayan,” nawika noon ni Ralph Waldo Emerson. At idaragdag kong taglay ng wika ang kasaysayan, ang kultura, at ang ideolohiya, na maaaring kisapmatang maglaho, kahit sa artsibo ng ating mga alaala.

Hindi lamang uri ng hayop o sarì [species] ng halaman o lahi ng mga tribung minorya, ang mabilis na nabubura sa daigdig. May panganib na ganap mawala din ngayon sa gunita ng sangkatauhan ang mga katutubong wika ng iba’t ibang bansa. Batay ang obserbasyong ito sa pag-aaral at pag-uugnayan ng UNESCO, Discovery Communications, at UN Works Programme.

Tinukoy ng UNESCO ang 18 nanganganib na wika at kung saan matatagpuan ang mga ito, sa tulong ng mga eksperto at gobyernong sangkot dito. Kabilang sa agaw-buhay na wika ang Scots Gaelic (Scotland); Saami (Sweden); Karaim (Lithuania); Istro-Romania (Croatia); Haida (Canada); Kadazandusun (Malaysia); Ainu (Japan); Sharda Script, Lepcha, at Idu Mishmi (India); Kayan Murik (Malaysia); Cucapa (Mexico); Tobas (Argentina); Naso (Panama); Itza Guatemala; ‡Khomani (Africa); Baka (Gabon); Bunuba (Australia).

Delikadong hindi na mabása o marinig pa ng bagong henerasyon ang wikang Karaim, na may 50 tao na lamang ang natitirang nakapagsasalita nito. Sa Hokkaido, Japan, ang nakapagsasalita o nakaiintindi ng Ainu ay aabot lamang sa 150 tao, samantalang may 100 tao na lamang ang nakapagsasalita ng Bunuba. Sa South Africa naman ay 23 tao na ang natitirang nakapagsasalita ng wikang ‡Khomani.

Hindi na tayo kailangang dumako pa sa ibang bansa. Dito sa Filipinas, ilan sa mga nanganganib na wika ang Agta (Palawan at Luzon); Itawis (Cagayan); at Karao (Benguet). Mababanggit din ang Sinama, ang wika ng pangkat etnikong Sama, na ang malaking bilang ay nasa Zamboanga Peninsula, Sitangkai, at Tawi-tawi. Nakapaloob sa Sama ang tinaguriang “Sama Laut” na kilala rin bilang “Bajaw,” “Bajau,” “Badjao,” o “Orang Bajau.” Kaanak din ng Sama ang Jama Mapun ng Isla Mapun.

Napakakulay ng mga wika sa Filipinas. At bawat wika ay karga ang kasaysayan at kultura ng bawat lipi. Kung mawawala ang wika, marahil ay hindi malayong mabura rin ang kasaysayan o kultura ng lipi. Marahil, ni wala nang taga-Maynila ang nakaririnig o nakababasa pa ng mga wikang gaya ng Agutayanen o Bagobo, Bantoanan o Bilaan, Buntuanon o Kalagan. Tanging UP Diksiyonaryong Filipino (2001) na lamang ang may lakas ng loob na itala ang mga salitang mula sa Cuyonen, Higa-onon, Kankanaey, Tagbanwa, Tausug, Tiboli, Tiruray, Yaka, at Zambal, at iba pa.

Malaki ang responsabilidad ng mga intelektuwal na Filipino sa iba’t ibang lárang na payamanin ang ating mga wika. Maaaring simulan ito sa pasulat o pabigkas na paraan, sa pang-araw-araw na transaksiyon o komunikasyon, at sa pagtatala ng mahahalagang impormasyon o pagsasalin ng literatura habang gamit ang sariling wika. Hindi dapat ikahiya ang paggamit ng Ibaloy o Ilonggo, sa gitna ng malaganap ng paggamit ng Ingles. Mamamatay lamang ang mga wikang katutubo kung tayo mismo ay susunod na lamang sa wika ng globalisasyon, at maging piyon sa gaya ng international call center.

Matagal na nating sinisisi ang Ingles bilang wika ng kolonyalismo, ngunit ang totoo’y malaki rin ang pagkukulang ng ating mga intelektuwal na gamitin ang sariling wikang pambansa sa gaya ng batas, arkitektura, negosyo, agham, medisina, at matematika. Halimbawa, Ingles ang pinamamayani sa kongreso kahit balu-baluktot ang gramatika o palaugnayan [syntax] ng Ingles ng ating mga kongresista. Lalo lamang nagmumukhang tanga ang mga butihing mambabatas sa wikang kinakapa nila.

Sina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang mabuting halimbawa noon ng mga intelektuwal na gumamit ng wikang Tagalog na bukod sa diskurso ng mga Ilustrado-prinsipales. Hindi pumaloob sina Bonifacio at Jacinto sa “nasyon” ng mga repormistang ilustrado, bagkus ginamit ang “Inang Bayan” o “Haring Bayang Katagalugan.” “Katagalugan” ang tinukoy nila bilang isang bansang nagsasarili, imbes na “Filipinas” ng mga propagandistang sipsip sa Espanya. “Himagsikan” naman ang ginamit nina Bonifacio at Jacinto, na iba ang pakahulugan at diskurso sa “rebolusyon” ng mga propagandistang gaya ni Jose Rizal. Higit sa lahat, “Tagalog” ang wikang dapat mabatid ng karaniwang mamamayan, at hindi “Espanyol” na wika ng mga ilustrado.

Kailangang kumilos na tayo upang mapanatili kahit man lang ang ating mga katutubong wika sa Filipinas. Huwag tayong maniwala na ang ating wika ay laan lamang sa tsismis, kabalbalan, o kabaklaan, gaya ng inihahayag sa mass media. Huwag na nating hintayin ang tulong na magmumula sa UNESCO at UN. Huwag na rin tayong umasa sa mga ahensiya ng gobyerno, gaya ng NCCA o KWF, dahil ang kaligtasan ng ating wika ay hindi malulutas ng gobyerno, bagkus ng bawat Filipinong may malasakit sa ating ugat at kabansaan.

Maniwala tayo na ang ating mga wika ay nakatakda para sa dakilang panitikan at karunungan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *