Ang Matanda at Ang Batang Paruparo

Tulang Tinagalog ni Inigo Ed. Regalado.

Ito ay halimbawa rin ng isang pabula na nagbibigay-aral sa mga anak na sumunod sa kanilang magulang.

ANG MATANDA AT ANG BATANG PARU-PARO

Isang paruparo na may katandaa’t
sa lakad ng mundo’y sanay na sanay
palibhasa’y hindi nasilab sa ilaw
binigyan ang anak ng ganitong aral:

“Ang ilaw na iyang maganda sa mata
na may liwanag pang kahali-halina,
dapat mong layuan, iya’y palamara,
pinapatay bawa’t malapit sa kanya.

Ako na ring ito, sa pagiging sabik!
pinangahasan kong sa kanya’y lumapit,
ang aking napala’y — palad ko pang tikis! —
masunog ang aking pakpak na lumiit.

At kung akong ito’y nahambing sa ina
na di nagkaisip na layuan siya,
disin ako ngayo’y katulad na nilang
nawalan ng buhay at isang patay na.

Ang pinangaralang anak ay natakot
at ipinangako ang kanyang pagsunod;
nguni’t sandali lang! Sa sariling loob
binubulung-bulong ang ganitong kutob:

“Bakit gayon na lang kahigpit ang bilin
ng ina ko upang lumayo sa ningning?
diwa’y ibig niyang ikait sa akin
ang sa mundo y ilaw na pang-aliw.

“Anong pagkaganda ng kaliwanagan!
Isang bagay na di dapat layuan!
Itong matatanda’y totoo nga namang
sukdulan ng lahat ng mga karwagan!

“Akala’y isa nang elepanteng ganid
ang alin mang langaw na maliit,
at kung ang paningin nila ang manaig
magiging higante ang unanong paslit.

Kung ako’y lumapit na nananagano
ay ano bang sama ang mapapala ko?
Kahit nga niya murahin pa ako
ay sa hindi naman hangal na totoo.

“Iyang mga iba’y bibigyang matuwid
sa kanilang gawa ang aking paglapit,
sa pananakali’y di magsisigasig
sa nagniningningang ilaw na marikit.”

Nang ito’y masabi, halos sasang-iglap
yao na’t naglaro sa nagliliwanag,
sa ilaw na yao’y nagpaliwas-liwas
ang baliw at munting paruparong anak.

Nang unang sandali’y walang naramdaman
kundi munting init na wari’y pambuhay
ito’y siya pa ngang nagpapabuyong tunay
upang magtiwala’t lumapit sa ilaw.

Natutuwa pa nga’t habang naglalaro
ay lapit nang lapit na di naghihinto,
sa isang pagliwas ay biglang nasulo
tuluy-tuloy siyang sa ningas nalikmo.

At siya’y hindi muling nakalipad
hanggang sa namatay ang kahabag-habag
Ang ganyang parusa’y siyang nararapat,
sa hindi marunong sumunod na anak.

One thought on “Ang Matanda at Ang Batang Paruparo”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *