Ito ay halimbawa ng isang tula na naglalarawan ng isang lugar.
MAYNILA
Bienvenido A. Ramos
sa pagkakaluhod, ang iyong bangketa
ay nanakluhod sa iyong eskolta;
kayrikit ng ilaw
sa iyong libingan
ng mga bulaklak na nangakatawa
habang nilalagas ng hayok na pita!
ang nagmamadaling sala mong maharot
ay dumadapurak sa banal na loob;
sa iyong simbahan
buwitreng naglisaw
ang abalang nasang kahit nakaluhod
ay nangagpipiging sa bangkay ng diyos!
nagpapaubaya ang kandungang-lagim
sa kawalang-muwang na nangaglalasing;
ang iyong pagtawa
isang libo’t isang hiwaga sa dilim
ang isinisilang at inililibing!
nag-aanyaya kang bagong paraiso,
may ngiting salubong sa singki at dayo;
kung mayakap ka na
saka mapupuna
na ang kariktan mong akala’y kung sino
may ikinukubling maruming estero.
Ano ang mensahe ng tula kaugnay ng:
a.pagdadala ng suliranin
b.pakikipagkapwa-tao
c.maayos at mapayapang buhay