Tula at Manlilikha

Si Manuel Car. Santiago, isa sa mga pangunahing makata ng Tagalog, ay naghanda ng isang katipunan ng mga tula — ang BUHAY AT IPA PANG MGA TULA. Isa sa mga tulang nakapaloob doon ay may pamagat na “Tula at Manlilikha.” Narito ang kabuuan ng nabanggit na tula:
 

TULA AT MANLILIKHA

ANG tula ay pag-ibig din,
kahit di mo nababatid
kailangang maramdamang
isang pitlag, isang pintig;
may akibat na kalamkam
at may kirot na pahatid,
kikiliti sa diwa mo’t
titimo sa iyong dibdib…

ANG tula ay hamog na ring
maramot man kung pumatak
ay masuyong humahalik
sa talulot ng bulaklak;
kung tunay mang iya’y tubig
ay perlas ding kumikislap,
tinungkab ng diwang diyos
sa kabibi ng magdamag…

ANG tula ay himig na ring
kahit hindi mo masakyan,
umaakay sa diwa mo’t
naghahatid sa kung saan;
tila pakpak ng damdaming
walang sawang kumakampay
hanggang ikaw’y mailipad
sa lunggating karurukan…

KUNG ang tula ng pagibig,
hamog, saka himig na rin,
ang tula ng aking puso’y
ipupunla’t didiligin;
kapag iyon ang tumubo
sa puso mo at panimdim,
ako’y isang manlilikhang
hindi mo na itatakwil…

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *