Laganap Ang Pasko

A Christmas poem in Tagalog…

LAGANAP ANG PASKO

Di ba’t ito’y Pasko ….
Paskong Maligayang may haing pagsuyo
na kung may alitan
ay dapat limuti’t katkatin sa puso?
dapat ding iwaksi
sa ating damdamin ang dusa’t siphayo,
bihisan ang sama
ng pagdadamayang hindi maglalaho!

Ang pag-iibiga’y
siya natin ngayong dapat ibantayog
at bigyang halaga
ang ikagaganda ng buong sinukob;
ang ligalig ngayon
na nag-uumigting sa buong lupalop
sana ay lumamig
at ating ilibing sa gabing paglimot.

At Pasko nga ngayon –
Paskong pagkabuhay ng bugtong na Anak
upang sa daigdig
tumubos sa taong naligaw ng landas;
subalit ang tao
ay nagpakalulong sa gawang di-tumpak
at ang mga aral
ng Anak ng Diyos ay sinasalungat!

Makikita kaya
ang diwa ng Pasko sa nagbiting parol
sa pagpapatunay
sa ating adhikang ginagawa ngayon?
naririto kaya
sa ganda ng ilaw ang ating pagtugon
sa banal na turo
na marapat sundin sa habang-panahon?

Oo’t gumaganda
ang araw ng Paskong ipinangingilin
sa gayak at handa
ng pamamanatang nililikha natin;
ngunit sapat na bang
masabing nagbago ang ating gawain
sa pakikiisang
ipinamamalas na pakitang-giliw?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *