Ang Matandang Parol

Tula ni Jose Corazon de Jesus

parol design na may buntot


Isang parol itong ginawa ni Lolo,
May pula, may asul, may buntot sa dulo,
Sa tuwing darating ang masayang Pasko,
Ang parol na ito’y nakikita ninyo.

Sa aming bintana doon nakasabit
Kung hipan ng hangi’y tatagi-tagilid;
At parang tao ring bago na ang bihis
At sinalubong ang Paskong malamig.

Kung kami’y tutungo doon sa simbahan,
Ang parol ang aming siyang tagatanlaw,
At kung gabi namang malabo ang buwan,
Sa tapat ng parol doon ang laruan.

Kung aking hudyatan tanang kalaguyo,
Mga kapwa bata parol ko ang turo;
Ang aming hudyatan ay mapagkukuro,
“Sa tapat ng Lolo tayo’y maglalaro.”

Kaya nang mamatay ang Lolo kong yaon
Sa bawat pag-ihip ng amihang simoy,
Iyong nakasabit na nasirang parol,
Nariyan ang diwa noong aming Ingkong.

Nasa kanyang kulay ang magandang nasa,
Nasa kanyang ilaw ang dakilng diwa,
Parang sinasabi ng isang matanda:
“Kung wala man ako’y tanglawan ang bata.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *