The United Nations Organization
Mga Nagkakaisang Bansa
United Nations
KAHULUGAN SA TAGALOG
Ang United Nations (UN) ay organisasyon ng mga bansa na itinatag noong 1945 upang itaguyod ang kapayapaang pandaigdig, seguridad, at pagkakaisa.
Ang United Nations Children’s Fund ay itinatag ng UN noong 1946 upang magdulot ng pagkain, damit, at mga programang panrehabilitasyon sa mga batà ng Europa na biktima ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong 1950, itinalaga ang UNICEF para sa pangangalaga ng kapakanan ng mga batà sa buong mundo.
Ang United Nations Commission on Science and Technology for Development ay itinatag noong 1992 pagkaraan ng isang kumperensiya ng UN sa Vienna at ipinalit sa mga dáting lupon sa agham at teknolohiya ng UN.
Ang United Nations Conference on Trade and Development ay itinayô noong 1964, ipinalalaganap nitó ang magkasanib na pagsulong ng mga umuunlad na bansa túngo sa kaunlarang pandaigdig.
Ang United Nations Development Programme ay isang global development network ng UN, ipinalalaganap nitó ang pagbabago at ang pag-uugnay ng mga bansa sa karunungan, karanasan, at mga pintungan upang matulungan ang mga tao na magkaroon ng higit na mabuting búhay. Bahagi ng mga gawain nitó ang proteksiyon ng mga karapatang pantao at ang mga pagsusulong sa karapatan ng mga kababaihan.
Ang United Nations Disasters Relief Office ay itinatag noong 1971 ng UN General Assembly, pangunahing tungkulin nitó ang pagmobilisa at pangangasiwa sa mga gawaing pangkaligtasan sa panahon ng kalamidad.
Ang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization ay sangay ng UN na itinatag noong 1946 upang palaganapin ang pagtutulungan ng mga bansa sa mga larang ng edukasyon, agham, kultura, at komunikasyon. May punòng himpilan ito sa Paris at may 195 kasaping bansa noong 2013.