Puppet
Sumasayaw, tumatawa, kumukurap
Nagpupugay sa sigabo ng palakpak;
Entabladong daigdig mo’y parisukat,
Ang sinulid ng hininga’y di mo hawak.
Sumasayaw, kumukurap, tumatawa,
Bumabati’t nangungusap nang masigla;
Ngunit lihim sa pangmasid ng balana,
Ang tinig mong inaangkin ng iba.
Kumukurap, tumatawa, sumasayaw,
May alahas, nakabihis nang maringal;
Kahit plastic o kawayan ang katawan,
Ulo’t dibdib ay basahan ang palaman.
Sumasayaw, tumatawa, kumukurap,
May kilos na umaaliw, sumisindak;
Batid mo bang laruan ka’t buhay-huwad,
Itatapon pag nagsawa ang may-hawak?