Ang Pilipinas ay nasa gawing itaas ng ekwador, may ilan-daang milya buhat sa timog-silangang baybayin ng Asya. Ito’y binubuo ng pitunlibo’t isandaang (7,100) mga pulo. Ang lupang-sakop ng Pilipinas ay umaabot sa isandaan-labinlimang-libo-pitung-daan-tatlumpu’t siyam (115,739) na milyang parisukat.
Ang buong kapuluan ay nahahati sa tatlong pangunahing bahagi, ang Luzon, Visayas at Mindanao. Ang hanggahan ng Pilipinas sa gawing timog ay ang Pulo ng Celebes at Borneo, sa kanluran ay ang Dagat Tsina, sa hilaga’y ang Formosa, at sa silangan ng Dagat Pasipiko ay ang mga Pulo ng Pelew at Palou. Ang sampling pinakam alalaking pulo sa buong bansa ay ang Luzon, Mindanao, Palawan, Negros, Samar, Panay, Mindoro, Leyte, Cebu at Bohol. Ang kapital ng Pilipinas ay ang Lungsod ng Quezon.
Ang pangalang PILIPINAS ay buhat sa salitang Felipinas, na hango naman sa Felipe o Philip. Si Ruy Lopez de Villalobos, isang Kastila, ang nagbigay ng pangalang ito sa kapuluan sa karangalan ni Haring Felipe II ng Espanya.
Alinsunod sa pinakahuling senso ng Pilipinas (1970) ang bilang ng mga Pilipino’y umaabot sa 36,684,486. Ang nakararami sa mga Pilipino’y mga Katoliko. Ang nalalabing bilang ay nahahati sa Aglipayano, Protestante, at Muslim. Sa buong kapuluan, ang mga wikang ginagamit ay Pilipino, Ingles, Kastila, Bisaya, Ilokano, Bikol, Pampango, at iba pang mga diyalekto.
Ang Pilipinas ay isang Republika. Ito’y may sariling Pambansang Watawat na kulay pula, puti’t bughaw, may tatlong ginintuang bituin at isang araw na may walong sinag. Ang kulay pula ay sagisag ng katapangan at pagkamakabayan. Ang puting tatsulok ay sagisag ng pagkakapantay-pantay at kalinisan. Ang bughaw ay sagisag ng katotohanan, katarungan at kapayapaan. Ang tatlong bituin ay sagisag ng tatlong pangunahing bahagi ng kapuluan, ang Luzon, Visayas, at Mindanao. Ang ginintuang araw ay sagisag ng kalayaan at pagsasarili. Ang walong sinag nito’y sagisag ng unang walong lalawigang naghimagsik laban sa kapangyarihan ng mga Kastila.
Ang Republika ng Pilipinas ay may Pambansang Awit. Ito’y bunga ng pinagsanib na talino nina Julian Felipe at Jose Palma. Si Julian Felipe ay isang piyanista’t kompositor na lumikha ng himig, samantalang si Jose Palma ay isang makata’t kawal na naglapat dito ng angkop na titik. Ang orihinal na tugtugin ay may pamagat na Marcha Nacional Filipina. Ang titik namang inilapat ni Jose Palma ay buhat sa tulang may pamagat na Filipinas. Ang tugtuging nilapatan ng titik ay unang nasalin sa wikang Ingles at inawit ng mga mamamayang Pilipino sa lahat ng mga pagkakataon at maging sa mga paaralan. Ang salin nito sa Pilipino ang opisyal na Pambansang Awit ng Republika ng Pilipinas.