Iilan sa Napakaraming Mga Tanaga na Isinulat ni Lamberto E. Antonio
Sa Bagong Kalsada
Kung noo’y natatakot
Ang gulong sa ‘yong putik,
Ngayo’y nakasapatos
Ang lalabas sa bukid.
Kapwa Nagmamadali
Nauunang babae’y
May sunong na sangkaban;
Sunong ng nahuhuli’y
Pilak na buhok naman.
Kabiguan
Nang bugawin ng musmos
Ang paruparong itim,
Sa bulaklak, ang hamog
Ay luhang nasalamin.
Sapagkat Gapasan
Kung bakit iyang palay
Ngayo’y magaang hingin:
Kailan kaya gagaang
Hingin ang isang kusing?
Pag-ibig
Bagamat ang talulot
Ay kakulay ng apoy,
Walang pasong bubuyog
Ang labas-masok doon.
Ngayong Malayo Ka
Kumakanta ang ulan,
Palaka’y kumakanta:
Kumot pala’y maginaw
Pag sa tabi’y wala ka.
Isang Lilim
Nang magsunong ang apoy
Ang punong kabalyero.
Ibon na ring sumilong
Ang sugatang diwa ko.
Agwat sa Buhay
Ibig mong maging ako
Na sabi mo’y mapalad.
Ngunit ngayo’y ibig kong
Ikaw ang makatulad.