Lunsod, Nayon at Dagat-Dagatan
Mula sa malayo, ang tangi kong natatanaw sa nayon ay ilang punong niyog at ang kampanaryo sa lumang simbahang bato. Sa gawing kanan ay naroon ang dagat-dagatan na kinasasalaminan ng araw ng papalubog. Ang murang bughaw na kulay ng tubig ay napalitan ng maningning na pilak; yaon ay napakarikit sa pangmalas, kaya’t biglang-biglang aking nadamang ako’y hindi handa upang magmasid sa gayong lalang ang kalikasan.
Ako’y laging nasa lunsod at ang aking paniniwala’y doon lamang may pintig ang buhay at kaipala’y doon lamang mananatili sa mga panahong ito ng digmaan; ngunit kakaiba ang nakita ko ngayon sa nayon: namumulaklak na mga punong mangga sa tabing-daan, matatabang kalabaw na nagsisipanginain sa mga bukiring hindi pa inaararo, at mga lalaki at babaing nagsisigawan sa kanilang mga itikan. Saan man ako tumingin ay pulit-pulit iyon: sa mga batang namimingwit, at lalong malapit sa akin, sa pawisan at payat na kabayong humihila sa karitela. Mandi’y kaayusan, at ako’y nakaramdam ng pagkahiya dahil sa paniniwala sa isang uri ng buhay na salat sa katotohanan at kaipala’y lisya.
Sa wakas ay nalalapit na kami sa nayon. Naraanan namin ang isang kiskisan, sumunod ay isang bahay-paaralan na tinitirahan ng ilang pag-anakang nagsilikas sa pook na iyon; at isang bahay na nababakurang mabuti ng kaipala’y sa isang manggagamot sapagkat may mga guhit na krus na pula sa tabing ng durungawan. Dumating kami sa tulay na kawayan; kami’y nagsibabang lahat. Ang mga kaangkas ko, anim silang lahat, ay nagdaan sa may bambang at sila’y lumusong sa tubig. Ayokong magbasa ng paa, kaya sa tawiran ako nagdaan kahit magbayad ng isang pera sa pagtawid.
Ilan pang saglit at naglalakad na ako sa pangunang lansangan ng nayon: nilampasan ko ang isang karihan at isang butika, at pagkatapos ay isang bahay na yari sa tabla at kawayan at pinagmumulan ng mga tinig ng nagsisipaglaro ng mahjong. Naririnig ang isang mainam na awitin buhat sa sang bahay na malapit ngunit hindi ko matiyak kung saan, at tatlo o apat na karitela ang yao’t dito sa lansangan, naghahanap ng pasahero. Sa malayo ay nagtatago sa kabila ng hanay ng mga dampa ng mga mangingisda ang isang bahagi ng dagat-dagatan. Ang tubig ay muting nag-iba ng kulay; ngayon ay mangitim-ngitim na ang dating pinilakan.
Takipsilim na noo at sa kabutihang-palad ay hindi ako nahirapan sa paghahanap ng nais kong patunguhan. Sa simula ay inaakala kong yaon ay ang bahay na nasa dulo ng napasukan kong isang makipot at mabatong daan na kinaroroonan ng isang poso artesyano; subalit nagkamali ako sapagkat hindi pa ako nakalalayo ay narinig kong may tumatawag sa aking pangalan, at natalos ko agad kung sino iyon. Sumugod na sumalubong sa akin si Nena.
To Be Continued…
Sana po ay may karugtong,,, kailangan lang po sa klase,, maraming salamat po sa pagbabahagi ng kwentong ito sa amin💞
Paano po makakakuha ng buong kopya ng kwentong ito? Maraming salamat po
wala ho bang karugtong ?
Need lang po for reporting purposes.