Kung Pinoy si Noah, ganito ang mangyayari sa Arko nya…
Taong 2015 at isang ordinaryong Pinoy si Noah. Nagpakita sa kanya ang Diyos at sinabing:
“Pagkatapos ng isang taon ay bubuhos ang malakas na ulan at babahain ang buong kapuluan ng Pilipinas. Nais kong gumawa ka ng isang malaking arko at isakay mo rito ang pares-pares na mga hayop at mga mag-asawang Pilipino mula sa iba’t ibang dako ng bansa.”
Taos-pusong tinanggap ni Noah ang tungkulin na sagipin ang sambayanang Pilipino sa napipintong pagbaha.
Lumipas ang taon at muling nagpakita ang Diyos kay Noah. Walang arkong nagawa si Noah at galit na galit siyang tinanong ng Diyos:
“Nasaan ang arko na ipinagawa ko sa iyo?”
Tumugon si Noah, “Patawarin po ninyo ako kung hindi po natupad ang utos ninyo. Nagkaroon po ng mga problema.”
At inilahad ni Noah ang mga sagabal na nakaharap niya sa paggawa ng arko.
Humingi siya ng Mayor’s permit pero papayag lang daw si Mayor kung ang gagawa ng arko ay ang kumpanya ng kanyang pamangkin. Tumungo siya sa Congressman pero papayag lang daw si Congressman kung may matatanggap siyang 25 porsyentong komisyon.
Nagtayo ng unyon ang mga kinuha niyang manggagawa at nagwelga. Tapos, natunugan ng mga left-leaning groups ang kanyang balak at ang mga ito ay nag-rally dahil hindi raw makatarungan ang pagpili ng mga taong sasakay sa arko (mga taong naniniwala lang sa Diyos ang pwedeng sumakay). Nakisali sa rally ang mga bakla at tomboy o LGBT dahil biased daw na normal na mag-asawa lang ang pwedeng sumakay. Ang civil society groups ay nakisali na rin sa gulo dahil napag-alaman daw nila na ang pondong gagamitin sa paggawa ng arko ay galing sa donasyon ng mga gambling lords at katas ng hueteng.
Sa kaguluhang ito ay napilitang magpatawag ng hearing ang senado “in aid of legislation.” Sinubukan ni Noah na gamitin ang EO 464 para makaiwas sa hearing pero dahil hindi siya executive official, napilitan siyang tumestigo.
Nang malaman ng senado na utos ng Diyos ang pagpapagawa ng arko, dineklara nila itong labag sa saligang batas dahil hindi raw nito iginalang ang separasyon ng Simbahan at Estado.
Nakialam na rin ang NBI at PNP at sinabi nilang nakatanggap sila ng impormasyon na ang barko ay gagamitin daw ng mga drug lords sa kanilang pagtakas. Sinabi naman ng AFP at DOJ na ito raw ay gagamitin ng grupong Magdalo sa binabalak nilang coup laban sa presidente.
Nilapitan ni Noah ang Executive Secretary para makipag-usap sa Pangulo. Payag daw ang presidente na ituloy ang arko kung ipasasakay ang kalihim ng komunikasyon para makapag-broadcast ng balita.
“Hindi po ako pumayag sa mga kondisyon kaya hanggang ngayon po ay may temporary restraining order ang paggawa ng arko. Sa palagay ko po, kailangan ko pa ng 10 taon bago matapos ang inyong proyekto.”
Napailing ang Diyos at sinabing, “Di ko na kailangang wasakin pa ang bansang ito. Hayaan ko na lang kayong sumira nito.”