Ang kaharian ng langit ay katulad nito: May isang taong may-ari ng lupain, isang umaga, maaga siyang lumabas upang kumuha ng mauupahang mga manggagawa para sa kanyang ubasan.
Pagkatapos silang magkasundo ng mga manggagawa sa halagang isang denaryo sa isang araw, pinapunta niya ang mga ito sa kanyang ubasan.
At paglabas niya nang mag-iikasiyam ng umaga, nakakita siya sa pamilihan ng ibang taong nakatayo lamang at walang ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at ibibigay ko sa inyo kung anuman ang nararapat.’
At pumunta nga sila. Sa paglabas niyang muli nang magtatanghaling-tapat na at nang ikatlo ng hapon, ay ganoon din ang ginawa niya. At nang malapit na ang ikalima ng hapon, muli siyang lumabas at nakakita ng iba pang nakatayo. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo rito at walang ginagawa?’
‘Wala po kasing umuupa sa amin,’ sagot nila. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’
Papalubog na ang araw, nang sabihin ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa, at ibigay mo sa kanila ang sahod nila, buhat sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.’
Nang lumapit ang mga nagsimulang magtrabaho nang mag-iikalima ng hapon, ang bawat isa sa kanila’y tumanggap ng isang denaryo. At nang lumapit ang mga nauna, ang akala nila’y mas malaki ang kanilang matatanggap; ngunit tumanggap din silang lahat ng tig-iisang denaryo. Pagkatapos nilang tanggapin ito ay nagreklamo sila sa may-ari ng lupain.
Sinabi nila, ‘Silang huling dumating ay isang oras lamang nagtrabaho, ngunit ang ibinayad mo sa kanila ay pareho lang ng sa amin na maghapong nagtiis ng hirap at matinding init.’
Ngunit sumagot siya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, wala akong ginagawang masama sa iyo. Di ba’t nakipagkasundo ka sa akin sa isang denaryo? Kunin mo ang nauukol sa iyo at umalis ka na. Napagpasyahan kong ibigay sa huling manggagawa ang katulad ng ibinigay ko sa iyo. Wala ba akong karapatang gawin ang naisin ko sa sarili kong lupain? O minamasama mo ba ang aking kabutihang-loob?’
Kaya nga ang hulí ay mauuna, at ang una ay máhuhulí.