This “Tulang Tagalog” (Tagalog poem) was published in the year 1907 under the name Manuela Amorsolo, the pseudonym of Manuel Aguinaldo, also known as Matubusing-Anak.
Ang Lalaki’t Babae Kung Umibig
kung paano lumiyag, kung paano magsulit,
kung paano maghandog
ang isang lalaki ng kanyang pag-ibig
sa isang babaing maganda’t marikit?
– – –
Alam baga ninyo kung paano suminta
kung paano umibig ang isang dalaga
kung paano “umoo”
sa isang lalaking may hawak na lira
na nagtutumaghoy sa kanyang Pag-asa?
– – –
Mayroon lalaking mahigpit lumiyag
ngunit kung bago lang ating namamalas
at ang lalaking ito
na nagsusumugod, na nagmamatigas
ay siyang masamang umibig sa lahat…
– – –
Mayroon babaing madaling “omoo”
mading umayon kahit na kanino
ito’y tatandaan
kaikailan ma’y isang manloloko:
maraming inoohang hindi natatamo
– – –
Mayroong lalaking kung umibig lamang
sa tunog ng pilak o kaya’y sa yaman…
at ito’y kawangis
kawanki’t katulad ng ibon sa parang
kung hindi humuni’y walang pananghalian…
– – –
Ninibig din naman ang mga lalaki
hindi sa salapi o ano mang buti
Alam baga ninyo?
Ang pag-ibig na ito’y na nasa babae
. . . .
Ayoko, ayoko: hindi ko masasabi.
– – –
Maalala ko pala: mayroon pang isa:
kung paano umibig ang mga dalaga,
o kahit na balo.
Ah, katawatawa!: di pag-alipusta:
sapagka’t mabigat sa lalaking bulsa…
– – –
Marami pang lubha, aking isasaysay
isaisahin ko’t nang lalong luminaw
Ang mga lalaki
maging ang babae, kung gabi at araw
walang pinangangarap kundi PARALUMAN…
– – –
At di ba totoo, lalo na kung gabi
mahimbing na ang tulog ibig pa’y humele…
At di ba totoong
laging magka-isa? Di ko sinisisi
ang kahit na sino’y lumiyag at kumasi
– – –
Ang lahat ng ito’y di dapat pagtakhan
pagka’t katutubo sa lahi ko’t bayan
Ang ating sisihi’y
huwag ang anak, kundi ang magulang
na siyang nagbigay ng DIWA at BUHAY…