TILA KA GAGAMBA
Tila ka gagamba na kung dapithapon
ay manunungaw na sa lupi ng dahon;
ang hibla ng sapot na dala ng simoy
ikinakabit mo sa sanga ng kahoy.
Ibig mong lumabo ang mata sa dilim
at ibubukadkad ang sapot na bating;
walang ano-ano’y may susuling-suling
namang gamugamo, siyang huhulihin.
Iyang gamugamong ang nasa ay ilaw,
isang bayang aping laya iyang asam;
sa lambat ng iyong bating na kalakal,
gamugamong lahi’y iyong sinasakal.
At nakabantay ka sa buong magdamag
sa maraming diwang sa dilim ay bulag;
oras na masagi ang pain mong lambat,
sa nasaputan mo, kasabay ay kagat
Ganyan ka, ganyan ka, ang dugo ng dukha,
siyang iniinom, siyang pampataba;
ngunit nang bumagyo’t sapot mo’y magiba,
ikaw sa itaas, lagpak sa ibaba.
Sa laki ng iyong tiyang di makaya,
nagputok-sumabog noong lumagpak ka;
at sa aking bayang hinihitit mo na
ay lalagpak ka rin, O, imperyalista.