Ang sanaysay ni AGA na na lumabas sa Liwayway noong 8 Hulyo 1944
Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan
ni Alejandro G. Abadilla
Ang sanaysay na ito ni Alejandro G. Abadilla ay lumabas sa Liwayway noong Hulyo 1944 bilang tugon sa kritisismo ni Iñigo Ed Regalado. Kilala si Abadilla bilang modernista ng panulaan sa kanyang panahon kaya masisilayan sa sanaysay ang pinanananigan niyang ideya sa pagsulat ng tula. Ang layunin niya’y magkaroon ng kalayaan ang makata sa pagpili ng balangkas at paraan sa pagtula na nang mga panahong iyon ay hindi maunawaan ng mga manunulat na itinuturing na haligi ng panitikang Tagalog. Winika niya:
Ang makata, sa kanyang sarili, ay nag-iisang batayan, nag-iisang balangkas at nag-iisang pamamaraan ng paglikha. At sa mga sandaling siya’y nasa ilalim ng kapangyarihan ng damdaming ayaw nang magpatantan, ang makata, ang tunay na makata ay may ganap na kalayaan sa pagpili ng mga balangkas at pamamaraang naaangkop sa pagsasakatuparan ng lunggati sa pagpapahayag… Hindi dapat hadlangan ang makata sa kalayaang dapat lubusang pagpasasaan…