Naulila sa Magulang
Sa dibdib ng kahirapan, doon ako ay naging tao
Nagkaisip at lumaki sa kalinga ng ina ko
Sa loob ng aming dampa na butas butas ang palupo
Naisip kong bakit ako ay isinilang pa sa mundo
Si inang ay matiyagang sa akin ay umalalay
Sa tulo ng kanyang pawis ako ay kanyang pinag aral
Ang lagi nyang sinasabi, magsikap ka bunsong mahal
Sukdang ako ay mamalimos, ikaw ay aking igagapang
Sa mababang paaralan, doon ako ay nagtapos
Si inang din ang may sabi na magpatuloy sa lungsod
At kung ang hangarin ay matupad at tagumpay ay maabot
Pumanaw man ako anak, ako ay hindi natatakot
Nang sapitin ko ang lungsod ay dagli kong nalimutan
Ang nayon kong dukhang dukha at si inang na naiwan
Sadyang ako ay naganyak sa balughang pamumuhay
At hindi ko na ninais pang ang nayon ko ay balikan
Wala akong inatupag kundi pawang pag-aaliw
Paglulustay, pagsisine, panliligaw, paglalasing
Nadama ko ang magsisi sa buhay ko ay dumating
Ang babaeng minahal ko at sinumpaan hanggang libing
Hawak ko pa ang kamay niya na papanaog sa hagdanan
Pagkat kami ng mahal ko ay may tipanang mamamasyal
Ngunit ako ay nagulat sa ibaba ay nasulyapan
Ang ina ko na nakangiti at tila ba naghihintay
Anak ko, sabay hawak sa kamay kong nakatikom
Kay tagal kong nangulila sa pagbabalik mo sa ating nayon
Ako ay nabigla at sa nobya ko ay napalingon
Sa mukha ng mahal ko ay pandidiri ang naroon
Sa gipit kong kalagayan ay pinili ko ang maglihim
Pinalis ko ang kamay nyang nakakapit pa sa akin
Ikaw Tanda ay namamali anak akong itinuring
Pagkat yaong aking ina ay kaytagal ng sumalibing
Nagulat ang ina ko at nag-ulap ang kalooban
Sa tindi ng hinagpis ay tuluyan ng nahandusay
Ang nobya ang pinili ko at hinila ko sa kamay
Ang ina ko ay nalugmok at iniwan kong walang malay
Mabigat man sa loob ko ay wala akong magagawa
Pagkat ang nobya ay mahal ko at sa puso ko ay dinambana
Kaya ng ako ay tanungin ng malupit na tadhana
Pinili ko ang mahal ko at si inang ay binalewala
Lumipas ang ilang buwan sa buhay ko na pagdiriwang
At halos hindi ko akalain na dumating sa aking buhay
Ang babaeng minahal ko, sinamba at iginalang
Sa sumpaan ay nagtaksil at sa iba ay nagpakasal
Ako ay nagbalik sa nayon kong kinagisnan
Ang dampang iniwan ko ay dampa ko pa ring dinatnan
Ngunit ako ay namangha sa kayraming panauhin
Na tila ba may naganap na masamang pangitain
O Diyos ko wag po sana ang usal ko na pabulong
Habang ako ay gumugiit sa kayraming naroon
At ng ang loob ay marating, O Diyos ko, bakit ganun
Ang tumambad sa mata ko ay ang ina kong nakaburol
*************
Disclaimer:
I memorized this poem because my father and his sisters are fans of songs and poems. I don’t know who the writer is but this poem is surely not in the books I read. I’d been looking for him, surely he was a man based on the poem but even my father don’t know where it originates. I was told that he memorized the poem when he was a kid and my father is 55 years old now and I knew the poem by heart — it was in me for 15 years that I can even recite it in my sleep. — Aljane Fedelin