Multo sa Apoy ng Isang Imno

— Teo S. Baylen

Multo sa Apoy ng Isang Imno

Imnong iyan ay lagablab ng himagsik
Na sa diwang-inalipi’y nagbabalik
Nang ang layang nakanya na’y ginigipit.

(Pinupupog ng agilang nananakim
Ang kasunong kaawa-awang ibong-tim
Na bahagi ng malayang papawirin!)

Sa likuran niyang imnong nagliliyab,
Isang multo ang matamang nagmamatyag
Na ang anyo ay patpatin at matangkad

Sa mabuto at mabalbas niyang mukha,
May matinding kalungkutang napabadha
Nang makitang ang agila’y nanunuka.

Dumadagan sa makatarungang-budhi
Ang paghamak na nagiging pasang muli
Nitong kanyang pinalayang aping-lipi.

At sa dulang ngayo’y kanyang tinatanaw
Bawat titik niyang imno’y punglong-ligaw
Na sa kanya ay pamuling pumapatay!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *