MIKROKOSMO

This word entered the Filipino vocabulary via the Spanish microcosmo.

mikrokosmo
microcosm

Ang mikrokosmo ay komunidad, lugar or sitwasyon na maituturing na maliit na representasyon ng mga katangian ng mas malaking komunidad, lugar or sitwasyon.

A microcosm is a community, place, or situation regarded as encapsulating in miniature the characteristic qualities or features of something much larger.

Halimbawa: Ang isang kumpanya tulad ng San Miguel ay masasabing mikrokosmo ng ekonomiya ng buong bansa. Maraming iba’t-ibang sangay at tauhan. Kung mabuti ang trabaho ng mga empleyado at sumasagana ang kumpanya, bumabalik ang mga pakinabang sa mga empleyado. Kung may bagyo na sumalanta sa pabrika ng kumpanya, may masamang epekto sa kabuuan ng kumpanya. Ang ekonomiya ng bansa ay ganoon din. Depende ang kasaganahan nito sa mga nagpapaandar. At kung may kalamidad ng kalikasan, apektado ang lahat.

Noong nakaraang siglo, sinasabing ang noo’y malaking kumpanyang Ford ay mikrokosmo ng ekonomiya ng Estados Unidos. Tingnan lang daw ang nangyayari sa Ford at matatanto ang sitwasyon ng ekonomiya ng Amerika. Kapag maraming kotseng nabebenta ang Ford, ibig sabihin maraming pera ang mga mamamayang nagagamit sa panggastos.

Puwede ring sabihing ang isang siyudad ay mikrokosmo ng buong bansa. Halimbawa: ang Berlin ay may mga katangian ng buong bansa ng Alemanya (pati na pagdating sa dibisyon ng lipunan sa pagitan ng Kanluran at Silangan), kaya laging sinasabing ang Berlin ay mikrokosmo ng Alemanya.

Mahirap sabihin na ang Maynila ang mikrokosmo ng Pilipinas… dahil ang mga katangian ng siyudad ng Maynila ay hindi nangangatawan sa mga karakteristiko ng buong bansa.

Ang Bilangguan ng Bilibid ay mikrokosmo ng lahat ng mali sa gobyerno — puno ng katiwalian.

Sabi ng mga Tsino, ang tainga raw ay mikrokosmo ng katawan. Ang bawat bahagi ng katawan ay nakamapa raw sa tainga, kaya’t kung may kailangang gamutin sa katawan, hinihimas ng mga tradisyunal na duktor ang wastong parte ng tenga. May iba namang nagsasabi, ang kamay o palad ang mikrokosmo ng katawan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *