Ang mga katibayan tungkol sa Maragtas ay kinuha noong 1858 sa manuskrito ni Father Tomas Santaren, isang Agustino.
Pagkalipas ng apatnapung tao ay may nakuha rin sa kasulatan ni Father Angel Perez, isa ring Agustino. May ginawang pananaliksik si Pedro A. Monte Claro sa Ingeles noong 1907 at 1929. Ito ay isinalin ni Dr. Manuel Carreon, katulong sina Guillerno Santiago-Cuico at Catalino S. Micten. Ang mga pinagbatayang manuskrito ay Mambusao at Bigasong.
Ang pamagat na “Maragtas” ay nangangahulugan “kasaysaysayn.”
Ang “Maragtas” ay isang katipunan ng mga kalat na kasaysayan na humigit-kumulang na isang angaw na Pilipinong ngayo’y naninirahan sa mga pulo ng Panay at Negros.
Sa “Maragtas” mababasa ang kasaysayan ng ating mga ninuno, ang kanilang mga ugali, mga batas at pamamaraan sa buhay. Inilalarawan din ng Maragtas ang kanilang mga hirap na tiniis sa paikikilaban sa mga Muslim na sa tuwi-tuwina nanananalakay sa kanilang kinalalagyan at gumagambala sa kanilang tahimik na pamumuhay.
Bagaman hindi ang lahat ng nasasabi sa “Maragtas” ay dapat tanggapin at kilalaning pawang katotohanan o batay sa tunay na pangyayari, ang tinurang aklat ay di maikakailang naglalaman ng mga bagay na makatatanglaw sa malabong kahapon ng ating kasaysayan.
Sa “Maragtas” ay nasasaad hindi lamang ang mga ugali tungkol sa pag-aasawa, panluluksa at kapangyarihan ng mga datu, kundi pati ang pinagmulan ng mga pangalan ng tatlong purok na ngayo’y tinatawag na lalawigang Antique, Capis at Iloilo.
Sa “Maragtas” binabanggit ang pandarayuhan sa pulo ng Panay ng may sampung datung pinangungunahan ni Datu Puti buhat sa Borneo noong ikalabing-apat na dantaon. Ang pandarayuhan nila’y udyok ng pagnanais na makapamuhay nang malaya pagka’t hindi na sila makatagal sa pagmamalupit ni Datu Makatunaw ng Borneo na siya nilang pinuno. Ang datu raw ng Panay noon ay si Datu Marikudo na anak ni Datu Polpolan. Nang matapos ang pag-uusap tungkol sa pagbibilihan ng lupang ipinagkakaloob sa kanilang magkakasama, siya’y nagalak nang gayon na lamang.
“Nang marinig ito ni Datu Puti ay inutusan niya ang kanyang mga alipin na magsiparoon sa biniday (bangka) at kumuha ng isang saduk (salakot) at isang batya na pawang yari sa gintong lantay. Ang mga ito’y inihandog niya kay Datu Marikudo bilang bayad sa pulo ng Panay. Si Datu Marikudo’y walang pagkasiyahan sa galak nang makita niya ang gintong salakot kaya’t agad niyang inabot ito at ipinatong sa ulo at nagsayaw nang nagsayaw.
Nang mamasdan ng kanyang asawang si Maniwantiwan, ito’y nagsabing hindi matutuloy ang bilihan kung hindi siya bibigyan ng isang kuwintas na katulad ng kay Pinagpangan na asawa ni Datu Puti. Sa payo ng kanyang asawa ay walang atubiling hinubad ni Pinagpangan ang kuwintas niya at ibinigay kay Maniwantiwan.”