Tahanan ng mga Pangulo ng Pilipinas
Ang opisyal na tahanan ng Pangulo ng Pilipinas ay ang palasyo ng Malakanyang. Ito’y nasa daang Jose P. Laurel sa tabi ng Ilog Pasig sa Lungsod ng Maynila.
Ang katagang MALAKANYANG ay hango sa mga salitang “may lakan diyan” na ang ibig sabihin ay “may naninirahang lakan sa pook na iyan.” Ang lakan ang katawagan sa mga unang namuno sa iba’t-ibang bahagi ng kapuluan noong unang panahon. Sa pagdaraan ng mga taon, ito’y pinaikli hanggang sa manatiling MALAKANYANG, kailan ma’t tinutukoy ang gusaling tinitirhan ng Pangulo ng Pilipinas.
May isandaa’t pitumpung taon na ang nakalilipas, ang Palasyo ng Malakanyang ay isa lamang bahay-na-bato. Ito’y pag-aari ni Don Luis Rocha. Sa halagang isanlibo’t isandaang piso (P1,100), ito’y nabili ni Koronel Luis Miguel Formento noong ika-16 ng Nobyembre, 1802.
Noong Enero 22, 1825, ang bahay na bato ay nabili ng Pamahalaang Kastila sa Pilipinas sa halagang limanlibo’t isandaang piso (P5,100). Ang nangasiwa sa pagbibilihan ay si Don Clemente Cobarruvias, isang kawani ng Pamahalaan.
Noong ika-27 ng Agosto, 1847, ang bahay-na-bato ay itinakdang tahanang pantag-araw (summer residence) ng Gobernador-Heneral ng Pilipinas. Ang mga tanging panauhin ng Pamahalaan ay dito rin tinatanggap. Nang mawasak ng lindol ang tahanan ng Gobernador-Heneral sa Intramuros noong Hunyo 3,1863, ang tahanang pantag-araw ang naging opisyal na tahanan ni Gobernador-Heneral Rafael de Echaque. Ito’y tinatawag niyang Posicion de Malacañan.
Nagkaroon ng maraming pagbabago sa kabuuan ng bahay-na-bato, tulad ng karagdagang mga silid at mga gusali sa paligid. Subali’t ito’y nawasak ng isang lindol na naganap noong 1869. Sa muling pagpapaayos ng gusali, maraming pagbabago ang isinagawa at muli lamang natirhan noong Disyembre, 1870.
Wala pang dalawang taon ang lumipas, muli na naman itong nawasak. Sa pagkakataong ito’y bunga ng isa namang bagyo noong ika-13 ng Oktbure, 1872.
To be continued…