“INANG MARALITA”
Siyang nagsisilbing tahanan at ilaw
At buhay nitong sangkalangitang bughaw
Ay s’yang sa pag-ibig ng anak ay uhaw
‘Pagkat kasaysayan ng bandila’t araw
Ay ‘di na singtingkad at nakasisilaw
Mayroong bayani’t magiliw na supling
Mandirigmang hahayo at magigiting
Ngunit mga lilong anak ay mayr’on din
Banyaga ang dila’t hindi sasambitin
Ang panata sa inang dapat mahalin
Awit ng puso ni Inang Maralita
Na mula sa luha, pag-irog, salita
Ay hindi kailanmang dininig ng madla
Na nukal sa bayan subalit ang sutla
Ng kasuota’y kay Ina’y ‘di nagmula
Ang inang mayaman sa ganda ng ngiti
Ay nagkukubli sa likod ng pighati
Palibhasa ay dalita sa pagbati
At pagmamahal ng anak na lumaki
Sa yakap ng Pilipinas hanggang huli
–Eyji