HULING PAALAM
José Rizal
Paalam na Bayang pinipintuho ko, na mahal sa araw,
sa dagat Silanga’y Mutya kang sa ami’y lwalhating pumanaw;
sa iyo’y masayang handog ang malungkot at laing na buhay,
na kung may ningning man, sariwa at hitik sa kabulaklaka’y
ihahandog ko rin dahilan sa iyong mga kabutihan.
Sa parang ng digma, na taboy ng hibang na pakikibaka,
ang handog ng iba ay buhay nang walang alinlanga’t dusa,
walang kailangan kahit saang pook, lungkot o ligaya,
bibitaya’t parang, digmaa’t pahirap, lahat ay iisa,
kung gayon ang nais ng Baya’t tahanang pinakasisinta.
Mamamatay akong tanaw nang may kulay iyang langit nati’t
Ibinababala, sa wakas, ang araw sa likod ng dilim;
Kung pula ang iyong kinakailangan upang pakinangin
Ang iyong liwayway, dugo ko’y ibubo, at gintuan na rin
Ang taglay na sinag ng sumisikat mong araw na maningning.
Ang aking pangarap noong ako’y batang halos kamusmusan,
ang mga pangarap nang magbinata nang puspos kasiglahan,
ay Makita kitang isang arw’y hiyas ng dagat Silangan,
ang itim mong mata ay wala nang luha’t ang noo mo naman
ay wala nang kunot, ni gatla o bahid niyong kahihiyan.
Ang mga pangarap nitong aking buhay, maalab na hangad,
Mabuhay! – ang sigaw niring kaluluwang yayao na agad,
Mabuhay! – kay gandang malugami ako’t ikaw’y makalipad,
mamatay nang ikaw’y mabuhay, yumao sa langit mong tapat
at sa mabalaning lupa mo’y maidlip nang wala nang wakas.
Kung sa libingan ko, minsan isang araw’y makita mong nasnaw
ang isang bulaklak sa masinsing damo na nayayapakan,
sa mga labi mo’y ilapit at yaring kaluluwa ko’y hagkan,
upang sa noo ko’y aking maramdaman sa lamig ng hukay
ang bulong ng iyong lambing at ang init ng hingang taglay.
Bayaang itunghay sa akin ng buwan ang kanyang liwanag,
bayaang sinagan ako ng liwayway na dagling lumipas,
bayaang humibik ang hangin sa kanyang banayad na lipad,
at kung sa kurus ko ay may isang ibong dumapo paglapag,
bayaang ihuni ng ibon ang awit ng pamamanatag
Bayaang ang tubig ng ulan sa init ng araw’y sumingaw,
ibalik sa langit na kasunod itong aking panambitan;
bayaang iluha ng katoto yaring maagang pag panaw,
at sa dapit-hapon kapag may nag ukol sa akin ng dasal
dumalangin ka rin sa Diyos, Bayan kong ako’y matiwasay.
Idalangin mo rin ang mga namatay na kinulang-palad,
ang nagsipagtiis ng mga pahirap na walang katulad;
mga ina namin na inihibik ang kanilang saklap,
ang mga kapatid, balo’t napipiit sa madlang pahirap
at ang sarili mong nawa’y makakita ng paglayang ganap.
Kung ang libingan ko’y mabalot nang gagap ng gabing madilim,
at doo’y wala na kundi pawang patay ang nagtatanod din,
ang katahimika’t pati ang hiwaga’y huwag bulahawin;
kaipala’y tunog ng isang kudyapi ang iyong mapapansin,
ako yaon, Bayan, inaawitan ka nang boong paggiliw.
At kung ang libingang kinabaunan ko’y limot na ng madla,
wala na ni krus, ni kahit na batong maaaring tanda,
bayaan sa taong yao’y araruhi’t isabog ang lupa
ng kanyang asarol, bago ang abo ko’y mauwi sa wala
ay makahalo na ng iyong tuntungang lupang pinagpala.
Kung magkakagayon na’y hindi na mahapding ako ay limutin;
Aking lilibutin ang iyong paligid, lambak, papawirin;
Malalaman mo ri’t iyong maririnig na ako’y taginting,
Halimuyak, ilaw, mga kulay, ugong, awit at hinaing,
Na ang kalinisan ng pananalig ko’y uulit-ulitin.
Bayang sinasamba, na sakit ng lahat niring mga sakit,
sintang Pilipinas, pakinggan mo ngayon ang huli kong sulit;
diya’y iiwan ko ang aking magulang at mga pag-ibig,
at ako’y yayao sa walang alipi’t mga manlulupig;
Diyos lang ang hari’t hindi pumapatay ni ang pananalig.
Paalam magulang, mga kapatid kong kapilas ng buhay,
mga kaibigan ng kabataan ko sa sawing tahanan;
pasalamat kayo’t mapapahinga na sa hirap ng araw;
paalam, banyagang aking kaibiga’t aking katuwaan;
paalam sa lahat, mamatay ay siyang pagpapahingalay.
Vicente de Jesus was born in the district of Tondo on February 21, 1890. He received a bachelor of arts degree from the Ateneo de Manila in 1906. He finished his philosophy in letters with a rating of excellent at the University of Santo Tomas in 1912 and obtained a bachelor of laws degree summa cum laude from the defunct Escuela de Derecho in 1917.
The author worked for many newspapers, including Ang Mithi, La Vanguardia, El Pueblo and El Debate. He also wrote for all the Spanish magazines in Manila.
Vicente de Jesus is the brother of Jose Corazon better known as Huseng Batute, the Tagalog poet known as the champion of Balagtasan.