Huli.
Dalawang taon mula nang sinabi mong mahal mo ako.
Sinabi mong mahal mo ako kahit na hindi pa tayo gaano magkakilala noon.
Hindi ko ito pinansin.. hanggang sa lumipas ang ilang buwan at heto ngayon.
May iba ka nang mahal.
Bumitaw ka ng walang paalam.
At aaminin kong sobra akong nasaktan.
Teka, mali, nasasaktan.
Oo, hanggang ngayon masakit pa rin ang ginawa mong pag-iwan.
Oo, inaamin kong ako rin at hindi lang ikaw ang may kasalanan.
At oo, hanggang ngayon umaasa pa rin akong mabibigyan ng isa pang pagkakataon.
Pagkakataon para maibalik ang kahapon.
Kasi ngayon may sagot na sa mga tanong ko noon.
At ngayon, araw-araw kong iniisip na sana pala naniwala ako noon.
Sana pala sumubok ako kahit na suntok sa buwan iyon.
Ngunit huli na ako.
At humihingi ako ng tawad para doon.
Hindi pa ako handa.
Hindi pa ako handang magtiwala.
Hindi pa ako handang masaktan.
At hindi pa ako handang umibig ng walang kasiguraduhan
ngayong handa na ako. Huli na.
Dahil siya at hindi na ako ang dahilan ng pag ngiti mong nakakasilaw.
Hindi na ako yung dahilan ng pagpasok mo sa araw-araw.
Hindi na ako ang hahawakan mo sa tuwing kailangan mo ng suporta.
Hindi na ako yung hahanapin mo sa tuwing ika’y nangangamba.
Hindi na ako yung inspirasyon mo para makashoot ng bola.
Hindi na ako yung nagpapaliwanag sa iyong mga mata.
Hindi na ako yung kasama mo sa hirap at ginhawa.
Hindi na ako.
Pero ngayon, wag ka mag-alala, alam ko na.
Tanggap ko na.
Tanggap ko nang wala na akong magagawa para mabago ang nararamdaman mo.
Tanggap ko nang hindi na maibabalik ang pagmamahal mo.
Tanggap ko nang iba na ang nagmamay-ari ng puso mong akin lang noon.
At ito na yung dulo.
Ito na yung huling araw na magsusulat ako na para sayo.
Ito na yung huling araw na aalalahanin ko ang kahapon.
Ito na yung huling araw na iisipin ko kung ano ba sana ang meron tayo ngayon.
Ito na yung huling araw na iiyak ako ng dahil sayo.
Ito na yung huling araw na aasa ako.
Pagkatapos ng araw na ‘to kasabay ng tulang sinusulat ko,
Makikita mong naglalakad na ako palayo.
Hinding hindi ako lilingon sa likod ko.
hindi ako susuko.
Hanggang sa makilala ko yung taong hihigit sayo.
Yung taong mangangarap kasama ko,
At mamahalin ko ng buong buo higit ng pagmamahal ko sayo.
Paalam, mahal ko.