Tinawag na dráma simboliká ang mga dulàng alegoriko’t sedisyoso na itinanghal sa bungad ng ika-20 siglo at pagkatapos ideklara ng mga Amerikano ang wakas ng Digmaang Filipino-Amerikano. Para itong dulaang gerilya at may adhikang gisingin ang damdamin ng manonood laban sa pananakop. Alegoriko ito sapagkat ang mga tauhan at ang salaysay ay sumasagisag sa kasaysayan ng Filipinas; at sedisyoso sapagkat sumusuway sa Act No. 202 (Batas Sedisyon) na pinairal noong 4 Nobyembre 1901 at mahigpit na nagbabawal sa pagtataguyod ng kalayaan ng Filipinas.
Pinakabantog sa mga dráma simboliká ang Tanikalang Ginto ni Juan Abad na itinanghal sa Teatro Libertad noong 7 Hulyo 1902, ang Hindi Aco Patay ni Juan Matapang Cruz na itinanghal sa Teatro Nueva Luna sa Malabon noong Mayo 1903, ang Kahapon, Ngayon, at Búkas ni Aurelio Tolentino na itinanghal sa Teatro Libertad noong 14 Mayo 1903, at marami pa. Nagkaroon din ng ganitong mga palabas sa Batangas at sa Ilocos. Isinalaysay ni Arthur Riggs (1905) ang ginawang panggugulo at pagpapatigil sa pagtatanghal, at pagdakip at pagbibilanggo sa mga mandudulà.
Sa unang malas, tila isang kuwento lámang ng pag-ibig ang mga dulà nina Abad at Tolentino. Ngunit ang Kahapon, Ngayon, at Búkas ay tila pagsasalin sa tanghalan ng kasaysayan ng Filipinas alinsunod sa Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog ni Bonifacio. May gayunding balangkas ang Tanikalang Ginto ngunit naglalaro ang “tanikalang ginto” sa handog ng kontrabida sa bidang babae (na simbolo ng Inang Bayan) na isang mamahaling pulseras ngunit isa paláng posas. May pagkakataon din, kapag inaakalang ligtas, na nagtitipon ang mga gumaganap sa gitna ng entablado at nakabubuo ng watawat ng Filipinas ang mga kulay ng kanilang kasuotan. Sa dulà ni Tolentino, may eksena na hinablot ng bida ang isang agila at tinapaktinapakan ang bandilang Amerikano.
Ang salitang “makabansa” ay dumanas ng iba’t ibang pakahulugan. Naging katumbas ito ng pagiging “sedisyonista” sa panahon nina Aurelio Tolentlno at mga manunulat ng drama simbolika, o kaya’y “kontra-Amerikano” sa panahon ni Claro M. Recto at mga tumutuligsa sa parity amendment at mga kasunduang pangkalakalan at pang-militar na isinusubong pilit ng Estados Unidos sa Pilipinas.