Alamat ng Punong Narra

~ Giselle Mae Felarca

Noong unang panahon sa isang bayan ay naninirahan ang isang pamilya. Si Mang Kanor at Aling Ising at ang kanilang anak na lalaki na si Malakas. Ang kanilang pamilya ay namumuhay ng tahimik at sila ay nagsasaka sa bukid.

Si Malakas ay lumaking magalang, masigla at matulungin. Likas kay Malakas ang tumulong sa kahit sinong nangangailangan ng tulong. Sa bawat araw pagkatapos niyang tulungan ang kanyang mga magulang sa gawaing bukid, siya ang nagmamasyal sa mga karatig na lugar upang makatulong sa mga kapitbahay o mga tao na kanyang nakikilala. Ito ang araw-araw na gawain ni Malakas.

Isang araw, siya ay naabutan ng malakas na bagyo habang siya nasa gilid ng kabundukan. Sa lakas ng ulan, bumaha at gumuho ang mga kabundukan at ito ay nagbabadyang umagos sa kanilang kabayanan kasama ng kanilang tirahan at mga magulang.

Batid ni Malakas na wala siyang magagawa laban sa kalikasan ngunit sa kanyang puso ang kanyang iniisip ay ang kanyang mga magulang at kanyang mga kababayan.

Napaluhod si Malakas at siya ay nanalangin sa gitna ng bagyo at paparating na sakuna. Hiningi nya kay Bathala na sa huling pagkakataon siya ay makatulong sa kanyang mga magulang at kababayan. Dininig ni Bathala ang kanyang panalagin. Bigla si Malakas ay nagliwanag at nagkaroon ng ugat, sanga at mga dahon. Siya ay naging isang malaking puno na siyang humadlang sa baha.

Tumila ang ulan, humina ang baha, at hindi na gumuho ang kabundukan.

Samantala, si Malakas ay patuloy na naging matayog, malakas at matibay na puno na siyang tumutulong upang mapigil ang pagbaha at paguho ng lupa. Mula noon ang puno ay tinawag na Narra ng buong bayan. Ang puno na ito ay hindi lang malakas kundi matibay pa na gamit sa paggawa ng kagamitan. Natupad ang panalangin ni Malakas at hanggang ngayon siya ay patuloy pa ring tumutulong mula noon hanggang gayon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *