NAHAWAKAN KO RIN
Sa tabi ng ilog ay mayr’ong mag-inang
payapang payapang doo’y naglalaba,
sa bunton ng bato, yaong kinukula’y
may bula ng sabong nangakalatag pa.
Itong batang munti nama’y nasa pampang.
at lalaro-laro at sasayaw-sayaw.
Ang ina sa gayo’y nalilibang naman
patuloy sa kanyang mga nilalabhan.
Walang ano-ano ay kanyang narinig
ang tili ng bata na nagpapagibik;
isang b’waya yaong simbilis ng lintik,
sinagpang ang kanyang anak na maliit.
At sa kalaliman ay biglang sumuot
nang mapalubog na’y bumulu-bulubok.
kaya’t ang ginawa ng ina’y sumunod,
sinundan ang kanyang anak na lumubog.
At parang himala ng matinding sigwa’t
sa kailalima’y sumunod ang ina;
ang ilog na yaon ilang sandali pa,
nakita ng madlang tubig ay pumula.
At ang mga tao’y nagulo sa pampang,
ang anak at ina’y hindi na lumitaw;
kanilang sinisid, inaba-abangan,
lumalim ang gabi’y di rin natagpuan.
Nang kinabukasan, araw ay nagningning,
ang ina’y lumutang na kalagim-lagim;
may hawak na damit, kuko’y nangingitim
parang sinasabing: “Nahawakan ko rin.
