TULA: Ang Reyna Elena

This Tagalog poem is from the early 20th century. Reyna Elena refers to the Queen Helena personage who leads the traditional parade during the annual Flores de Mayo (“Flowers of May”) celebrations.

¡ANG REYNA ELENA…..!

Ayu’t lumalakad. Magarang magarang
animo’y bituing nahulog sa lupa,
kung minsa’y nagiging hibang itong diwa
at kung magkaminsa’y para akong bata,
paano’y hindi ko masukat sa haka
ang nararapat kong ihaing paghang̃a.

Kung kita’y itulad sa dakilang araw
at ako ang lupa, ang lupang tuntung̃an,
ay masasabi mong ako’y walang galang
at ako ay bihag niyong gunam-gunam.
Subali’t butihin! Ang aking tinuran
ay tibok at utos ng̃ katotohanan.

Kung ikaw’y Reyna man sa ganda’t ugali,
naman sa pang̃arap, ako’y isang Hari;
kaya’t kung sabihi’y tala kang mayumi,
hamog sa umaga, bang̃ong walang pawi,
ikaw ay manalig, manalig kang tang̃i
at ang nagsasabi’y nabatu-balani.

Hanggang tumataas iyang kalagayan
nama’y naiingit itong kapalaran,
ang gunitain ko ay baka mawalay
sa puso mo’t diwa ang aking pang̃alan,
kung magkakagayon, irog ay asahang
sa aki’y babagsak ang Sangkatauhan.

Sa iyo’y bagay ng̃a yaong pagka-Reyna,
pagka’t sa ayos mo’y isa kang Zenobia,
may puso kang Judith, may ng̃iting Ofelia,
may diwang de Arco’t may samyo kang Portia,
samantalang ako, akong umaasa’y
isa lamang kawal na lunód sa dusa.

Sa paminsan-minsa’y maanong kuruing
wala nang itagal ang aking damdamin,
kung magdaramot ka, Reyna kong butihin
at di mahahabag sa pagkahilahil
ay iyong asahang ang aking paggiliw
ay magkakalbaryong walang pagmamaliw.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *