Todos Los Santos, 1968
Di na iyon ang dating todos los santos.
Lalo na sa tubong-San Miguel — lumaki’t
Nakasaksi ng maraming gayong araw
Sa San Miguel. Naro’n pa rin ang simbolo
Ng kandila, ngunit ngayon bawat luha’y
Naaagad na dalangin sa gusgusing
Palad ng mga nag-aagawang musmos.
Ayos na rin bawat puntod at lapida.
(Kahit minsan sa santaon, masasabing
Ang naiwa’y di lumimot sa yumao.)
Karnabal ng mga ngiti at batian;
Karosa ng mga damit at sapatos.
Ito ba’y timpalak? Oras ng ligaya? |
Tanga’y sandwits o kaya’y Pepsi, biruan
At k’wentuhan ang balana — magkaka-gang,
Magkaklase, o magkamag-anak na di
Nagkitang matagal. Ang tao ay agos,
May ponda sa daan, parang pistang-bayan.
At pagsilim, sa paghulaw ng ingay at
Alikabok, huling luha ng kandila
Ay namuo at lumamig sa paanan
Ng anghel na marmol. Kapagkuwan, araw
Ay lumisang kasaliw ng kiming usal.
Nobyembre 1, 1968

