Ang talambuhay ay maaaring pasalaysay o palahad.
Ang karaniwang talambuhay ay talambuhay na pasalaysay. Ito ay isa lamang pag-uulat, isang pagsasalaysay ng mga pangyayari sa buhay ng taong pinapaksa mula sa kanyang pagsilang hanggang sa pagkamatay. Ang nangingibabaw na layunin ng talambuhay na ito ay magsalaysay.
Ang talambuhay na palahad ay naiiba sapagka’t ang binibigyang-diin ay ang layunin, isipan o simulaing pinatnubay sa pamumuhay ng taong pinaksa. Binabanggit o ipinaliliwanag kung paanong ang mga layunin, kaisipan o simulaing yaon ay sinusunod ng taong tinutukoy hanggang magtagumpay o mabigo. Binabanggit lamang ang mga karaniwang pangyayari sa kanyang buhay kung ang mga ito ay may kaugnayan sa tinatalakay na layunin at kaisipan ng taong tinutukoy.
Paghahalaga at pagpapakahulugan sa mga kaisipan, gawa, kilos at MGA SIMULAIN NG TAONG TINUTUKOY. — ito ang pinakamahalagang sangkap ng isang talambuhay na palahad. Bawat pangyayari sa buhay niya ay pinagtitimbang-timbang at sinusuri upang maturol ang kaugnayan ng mga ito sa kanyang mga simulain at patakaran sa buhay.
Ang talambuhay na palahad ay maituturing na isang mahabang paglalarawan ng pagkatao. Upang makasulat ng isang talambuhay na palahad, nararapat na tandaan ang mga sumusunod:
1. Ang isang talambuhay na palahad ay dapat maging bunga ng isang ganap at masusing pagsisiyasat. Bawat pangyayaring banggit ay dapat maging bunga ng masinop na pananaliksik.
2. Dapat magtaglay ng isang pagkaunawang marunong magpahalaga ang isang sumusulat ng talambuhay na palahad.
3. Ang talambuhay na palahad ay dapat magkaroon ng kawalan ng kawalan ng pagkiling at matuwid na paghatol.
