Susana Revilla was a teacher and one of the founders of the Instituto de Mujeres, a college for girls. She was born on May 24, 1871, and died on April 11, 1917.
TALAMBUHAY NI SUSANA REVILLA,
GURONG PILIPINA
Huwag mong akalain giliw na mambabasa na ang sanhî ng muntíng ulat na itó sa karangalan ng magandáng dalagang tagalog na si Bb. Susana Revilla ay likha ng mga karaniwang paghangà, sa mga dî karaniwang gandáng nakáaakit na umawit tuwî na sa pusong lalakì; hindî makalilibong hindî; sapagká’t si Bb. Susana Revilla ay kabilang diyán sa mga likháng karapatdapat lamang pintuhuin at igalang, dahil sa ang kanyáng talagháy ay dî katulad ng sa lubháng maraming gandáng nakayayakag sa mga gawî ng kalupaán. Isáng kagandahan na linikhà mandin upáng magíng huwaran ng mga babaing Tagalog. Ang kabinihang kayakáp ng isáng kabaitang likás ay nagpapatingkád ng karangalan ng kanyáng lipì, at may isáng dî karaniwang talino, palibhasà, kayá’t nagagawáng ang lahát ng kanyáng magíng kakilala ay huwág magimbót ng anó máng haluang pagmamahál, at lahát ay magíng maligaya sa kanyáng piling.
Pakingán nating sandalì ang salaysáy ni G. Camilo Sala, tungkol sa kanyáng katangian: «Sa labíng dalawang taón pa lamáng na guláng ay nasok na «colegiala» sa Concordia, nguni’t masasaktín palibhasà ay hindî nakapagpatuloy; subali’t nang sumunód na taón sa «Escuela Municipal de Manila», sa ilalim ng pamamatnugot ng mga «Madres de Caridad» nások, at dî nalaunan at kaniláng nákilala ang kamahalan ng hiyás na yaóng nások sa kaniláng pintuan, sapagká’t nang sumunód na taón ay hinirang siyáng magíng Pangulo ng kalipunan ng «Mg̃a Anák ni Maria», at pagkalipás ng dalawa pang taón, si Susana na lalabínganiming taón pa lamáng, niyaón 1887, ay tumanggáp na ng Katibayang pagká «Maestra Elemental.»
Aní Ginang ni Alvero, kasalukuyang Patnugot ng Páaralang «Instituto de Mujeres»: «Si Susana ay isáng likháng dî karaniwan; ang kanyáng Páaralán niyaóng taóng 1900, na balakin kong magtatag ng isáng Páaraláng babai na mapagháhandaán ng mangákakatulong ng mga lalaki sa mga súliraning bayan at pangangasiwà sa táhanan, ay kasalukuyang bukás at maraming araláng nakatirá at nagúuwian; nguni’t yaón ay kanyáng ipininíd upáng bigyán daán ang tawag na itó ng ating bayan, at ang Instituto de Mujeres ay aming itinatag.»
Kun saan mapagkikita, na kay Bb. Susana Revilla ang kapakanang sarili ay isáng walang kabuluháng bagay sa piling ng mga kahilingan ng bayan at ng kapanahunan.
Tungkól sa kanyáng kabuhayang tangi sa loób ng táhanan ay hindî mapagalinlanganang nápapalayo sa kanyáng buhay na hayág, gaya ng karaniwang mangyari sa karamihan na may ugaling «panglabás» at may «panloób»; sa haráp ng kapisanan at sa sarili mang táhanan, si Bb. Susana Revilla ay hindî nagbabago; siyá rin ang masayáng anák ng Pilipinas na sa loób at labas ng bahay, ay nakátatagpo ng ligaya sa paggawa ng mabuti; ang kabaitan niyáng siból ay hinangaan tuwî na ng lahát niyáng nákapiling at nagkapalad na sa kanyá’y makákilala; at tungkól sa bagay na itó ay ani Pari Ulpiano Herrero: «Su via privada era la de una santa».
Sumilang sa maliwanag si Bb. Susana Revilla, sa mayamang bayan ng Sta. Cruz, Maynila niyaóng iká 24 ng mga Bulaklak palibhasà nang kanyáng mákita ang unáng liwanag, ay hiniyasán ang kanyáng buhay, ng mga «sampaga» ng kanikaniyáng katangián; ang kalinisan ng kampupot ay iginayák sa kanyang kálolwá, ang kayumian ng babaan ng loób, ang «alejandria» ay nagdulot sa kanyá ng isáng kagandahang katangitangi, at ang «ilang-ilang» ay nagbigáy ng samyo sa kanyá, na waláng pagkapawì.
Siyá’y anák na tunay ni G. Ceferino at ni Gg. Rosenda San José, maririwasá at mapapalad na nakapagdulót sa Ináng Bayan ng mga anák na karapatdapat; Pinagpalá, sapagká’t makapagmamalaki at waláng anó mang ipinangimbulo sa mga ibáng angkán sa haráp ng kapamayanan. Kapatíd ni Bb. Susana Revilla ang kamámatáy pa lamáng na Hukóm sa Unáng Dulugan, Kgl. na Bartolomé, Revilla.
Tungkól sa kanyáng likás na kabaitan at sanhî ng kaligayahan ng kanyáng nangákasama sa «Instituto de Mujeres», ay pakingán nating sandalì ang iláng kataga ng Revista «Cultura Social»: «Toda suavidad en el mandar, no bien previa que alguna carga resultaba pesada para las demás, cuando la tomara en silencio para sí».
Nang ang mga «Asuncionistas» ay dumaóng dito sa ating Lunsód at magbukás ng kaniláng «Colegio» ay nagpatuloy ng pagáaral si Bb. Susana Revilla, upáng magkaroón ng katibayang «Maestra Superior» at siyá’y isá sa unáng labíng tatlóng Maestra na nagtamó ng gayóng katibayan.
Niyaóng taóng 1909, ay náhirang siyáng Tagapamatnugot ng «Instituto de Mujeres». Sa panahóng itó ay dî kakaunting sikap ang ginawa ng mga mainggiting Páaralán upáng siyá máialis doón, at hinandugan siyá ng malalakíng sahod, nguni’t sa haráp ng naghihikahós na «Instituto» noón, ay pinilì niyá ang manatili sa piling ng kanyáng minámahál na «Instituto» na kanyáng pinaghandugan ng isáng paglilingkód na waláng pasubali, pinanggugulan niyá ng lahát ng pinakamabuti niyáng panahón sa kanyáng buhay, at dî miminsáng kinailangang ang kanyáng mga hiyás ay másanla, huwag lamáng máuntól ang mabutíng lakad ng «Instituto» dahil lamáng sa kasalatán.
May isáng dakilang pagtingin at paghahakà sa kautangán si Bb. Susana Revilla, gaya ng lahát nang may wagás na pusò, at aní Sor Dolores Velarde, nagíng Guró ng «Instituto» at gayón ay «Madre de la Caridad» sa isá niyáng lathalà tungkól sa bagay na itó: «Nuestra Ilorada Directora tenía una idea sublime del deber…….! Cuantas veces la hemos sorprendido en su aposento dando clases a sus alumnas desde su cama!» Hanggang sa kalubhaán na ng sakit na dî na makatindíg halos ay ginagampanán ang kanyáng katungkulang pagtuturò.
Buhat pa niyaóng iká 28 ng Disyembre ng 1916 ay náratay na sa baníg, nguni’t nang buksan ang Páaralán niyaóng Enero, ay dî pa man halos makagulapay ay dumaló rin sa kanyáng bulwagang pinagtuturuan. Si Bb. Susana ay isáng tunay na alipin ng kautangán. Ihinatíd sa Págamutang «San Juan de Dios» niyaóng iká 24 ng Marso, ang lahát ng sikap ng mga manggagamót na isá rito ay si Dr. Miciano, ay na waláng lahát ng halagá, at ang pinagpitaganan tuwî na ng kanyáng mga kaibigan, ang matalinong Tagapamatnugot ng «Instituto de Mujeres», ang dalubasà, mayumì at mabait hanggang sa huling sandalî ng pakikitalad sa buhay, ay binihag ng walang awang kamatayan, niyaóng iká 11 nang Abril ng taóng 1917.
Sumalangit nawa ang butihing Guró at ang kayáng diwà na naghaharì sa Páaraláng «Insituto de Mujeres» ay magíng tangláw tuwî na ng kanyáng mga kasamahan.
Lumipat sa kabilang buhay ang isáng marilág na Guró na nátutong maglagáy sa isáng mataás na kalagayan ng mabuting pangalan ng kanyáng pinamatnugutan Páaralan.
Pinagpalang «Instituto de Mujeres», na makapagmamalakíng nagkaroón ng mga diwang gaya ng kay Bb. Susana Revilla, pinagpalang «Instituto de Mujeres» na linabasan ng mga babaing katangítangì, salamat sa banal na simulaing «Pananampalataya at Karunungan». Narián ang Páaralán ng mga Páaralán.


