Occam’s Razor

Ang tinatawag na Occam’s razor (kagamitang pang-ahit ng Ockham) ay isang prinsipyo sa larangan ng pilosopiya.

Sabihin nating may dalawang paliwanag para sa isang pangyayari. Sa ganitong kaso, ang mas simpleng paliwanag ang itinuturing na mas mabuting paliwanag.

Ang dahilan dito ay sapagkat kung kumplikado ang rason, maraming pumapasok na maaaring pagdudahan.

Halimbawa ng Occam’s Razor

Ang iniwan mong tinapay sa lamesa ay nawala. Nag-isip ka ng eksplinasyon. Ang una ay kinain ito ng anak mo. Ang pangalawa ay may estrangherong pumasok sa bahay ninyo at pagkatapos kainin ang tinapay ay lumikas.

Kung gagamitin natin ang Occam’s razor, ang unang eksplinasyon ang papaniwalaan natin. Upang mapaniwalaan ang pangalawang iksplinasyon, dapat ay naniniwala ka rin na may nakapasok sa inyong bahay at nakaalis ito nang hindi mo nalalaman.

Hindi ibig sabihin na laging tama o naaangkop ang Occam’s razor. Pantawag lamang ito sa mga kaso kung saan magagamit ang prinsipyong ito.

Halimbawa: Kung nagiging kumplikado na ang mga kurukuro tungkol sa isang pangyayari, may magsasabing, “Gamitin natin ang Occam’s razor. Ano ang pinakasimpleng eksplanasyon para dito?” “Kung gagamitin natin ang pang-ahit ng Ockam, e di ito ang iksplinasyon.”

Bakit Tinawag na Pang-ahit ni Occam

Mayroong Pransikanong prayle noong ika-14 siglo (1300s) na ang pangalan ay William at siya’y taga-Occam, isang lugar sa Inglatera. Tawag sa kanya sa Ingles ay William of Occam (si William na taga-Occam). Marami siyang isinulat tungkol sa pilosopiya, at isa sa sinasabing isinulat niya ay itong pangungusap sa wikang Latin:

Entia non sunt multiplicanda praeter necessitatem.

Ang ibig sabihin ay parang: “Huwag gumamit ng mas maraming bagay kung hindi kinakailangan.

Walang kagamitang pang-ahit sa kuwentong ito. Tinawag lang na “razor” (pang-ahit) dahil tulad ng pang-ahit na nagtatanggal ng hindi kinakailangang buhok, ang prinsipyong ito ay tumatanggal sa mga di-kinakailangang kuru-kuro.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *