Si Fumo Liyongo ay isang lider ng mga Swahili na namuhay noon sa Aprika. Hindi tiyak kung kailan talaga siya ipinanganak ngunit malamang ito ay sa pagitan ng ika-9 at ika-13 siglo.
Tinatawag din sa simpleng bansag na Liongo, siya ay hari o prinsipe ng Isla ng Pate na malapit sa Kenya. Sinasabing si Liongo ang kumatha sa karamihan sa mga tradisyunal na tula, kuwento at awit ng mga Swahili.
Ayon sa kuwento, si Liyongo ay malakas at kasing-tangkad ng higante. Hindi raw siya nasusugatan ng anumang armas, maliban na lamang kung siya’y tatamaan ng karayom sa kaniyang pusod. Tanging si Liongo at ang kaniyang inang si Mbwasho ang nakaaalam sa kahinaang ito.
Naging mahigpit si Liongo sa kanyang mga pinamumunuuan, at ang kanyang pinsang si Haring Ahmad (Hemedi) ay nagbalak na alisin siya. Maraming tao ang nagsama-sama ng lakas para hulihin si Liongo at gapusan siya ng kadena. Ngunit hindi nila maisip kung paano siya papatayin.
Habang nakakulong, umaawit si Liongo at tuwang-tuwa ang mga nakarinig sa kanyang mga awit, kahit hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng kanyang kinakanta.
Tinanong ni Liongo kung kailan nila siya papatayin. At sinagot siya ng mga tao, “Bukas?”
“Kung gayon, pakitawag ang aking ina nang makapagpaalam ako sa kanya.”
Dinalhan siya ng kanyang ina ng isang malaking keyk kung saan may nakapaloob na piraso ng bakal. Ginamit ni Liongo ang bakal para sirain ang mga kadenang nakaposas sa kanya, at nang siya’y makawala, pinatay niya ang mga nagbilanggo sa kanya. Lumikas siya at nagtago sa gubat.
Nakitira siya sa mga taong-gubat (Wasanye at Wadahalo) at sila’y inalukan ni Haring Ahmad ng malaking halaga para patayin si Liongo. Dahil nakikitira siya sa kanila, anumang hilingin ng mga Wasanye at Wadahalo ay ginagawa ni Liongo.
“Umakyat ka naman sa puno at pumitas ng mga prutas.” Iniisip nila na habang umaakyat siya sa puno ay mas madali nila siyang sugatan gamit ang mga pana.
Nahulaan ni Liongo ang balak ng mga taong-gubat, kaya ang ginawa niya ay ginamit niya ang kanyang sariling mga pana para tamaan ang mga sangay ng puno at nang sa ganoon ay mahulog ang prutas. Hindi niya kinailangang umakyat para makuha ang mga prutas. Ganoon kahusay si Liongo sa pamamana.
Namangha ang mga Wasanye at Wadahalo sa talino ni Liongo at sa kanyang husay sa paggamit ng palaso. Nagpadala sila ng mensahe kay Haring Ahmad na hindi nila kayang patayin si Liongo.
Paano namatay si Liongo? Ito ay dahil sa isang pagtataksil ng kamag-anak. Natanto ng kanyang pamangkin na isang karayom sa pusod ay makapapatay kay Liongo. At ito mismong kadugo ni Liongo ang nagturok ng karayom sa pusod ni Liongo.
Inilibing si Liongo sa Ozi.