LARAWAN NG INA
Minsan, sa isip ko’y waring napakita,
ang isang larawang hindi mapagsiya,
mahaba ang buhok, mapungay ang mata,
may tala sa noong kahali-halina,
sa tapat ng dibdib may ilang sampagang
bango’y nagsasabog mandin ng ligaya;
lumapit sa akin, nagbuntung-hininga
saka ibinulong na tigib ng dusa:
— “Ako ang larawan ng mutya mong ina
nang kapanahunang siya’y dalaga pa.”
At biglang nawala. Ako’y napasigaw:
— “Saan ka nagtungo, inang minamahal?
inulila akong matagal nang araw
ngayong makita ka ay dagling naparam!’
Sa aking hinaing ay mano man lamang
may isang naawang umaliw sa lumbay;
sa balat ng lupa’y talaga nga namang
kung nag-iisa ka ay ulilang tunay,
habang naghahanap ng sukat dumamay
lalong nalalayo sa dapat asahan.




