Ang konteksto ay ang sitwasyon o kalagayan kung saan nagaganap ang komunikasyon.
Ayon kina Barker at Barker, ang elementong ito ang isa sa mga pinakamahalaga dahil naaapektuhan nito ang iba pang mga elemento kasama na ang buong proseso ng komunikasyon.
Ito ay may limang dimensyon — ang dimensyong pisikal, sosyal, kultural, historikal at sikolohikal.
Sa dimensyong pisikal ng konteksto ay nabibilang ang lugar na pinangyarihan ng komunikasyon at ang kondisyon ng kapaligiran. Malaki ang epektong nagagawa ng dimensyong pisikal sa uri ng talastasang magaganap. Kabilang sa mga salik ng dimensyong pisikal ay ang temperatura, liwanag, pook kung saan nag-uusap, lebel ng ingay, agwat o espasyo sa pagitan ng dalawang nag-uusap at maging ang oras. Ang bawat isa sa mga salik na binanggit ay makaapekto sa uri at sa proseso ng komunikasyon o sa talastasan ng nag-uusap o ng mga grupong kalahok sa talastasan. Halimbawa, iba ang magiging proseso at bunga ng komunikasyon kung nagsasalita ang guro sa harap ng klase kaysa sa pagkausap niya sa isang maliit na grupo sa parke. Maaaring maiba ang takbo ng komunikasyon na nagaganap ng umaga at nakaupo nang maayos at komportable ang mga kalahok kaysa sa kung ang mga kalahok ay gitgitang nangakatayo sa isang mainit at hindi komportableng pook.
Sa dimensyong sosyal ng konteksto ay pumapasok ang epekto sa komunikasyon batay sa uri ng relasyon ng dalawang nag-uusap o ng mga nag-uusap. Iba ang takbo ng usapan ng magkakaibigan, ng dati nang magkakakilala, ng magkakapatid, ng mag-ama o mag-ina, ng estudyante sa kapwa estudyante o ng estudyante at guro. May mga pangyayari sa isang grupo ng nag-uusap na sila lamang ang nagkakaintindihan. Maaaring malapit sila sa isa’t isa at magkakapalagayang-loob. Maaari nilang sabihin ang mga salita na masakit para sa iba o kaya’y biruan na pangkaraniwan sa kanila subalit hindi para sa iba. Naaapektuhan ang bunga ng proseso ng komunikasyon batay sa uri ng relasyon ng mga kalahok sa komunikasyon.
Ang dimensyong kultural ng konteksto ay naoobserbahan sa kung minsan ay di pagkakaunawaan sa komunikasyon sanhi sa pagkakaiba ng pananalig sa Poong Maykapal o pagkakaiba ng relihiyon. Gayon din ang pagkakaiba ng kinagisnang kultura. May epekto rin ang magkaibang pagpapahalaga, magkaibang uri ng pamumuhay at pagtanaw sa buhay.
Sa dimensyong historikal ng konteksto ay magkakaroon ng tuwiran o ng di-tuwirang impluwensya sa pag-unawa ng kasalukuyang pag-uusap o talastasan ang naunang usapan o pakikipagtalastasan.
Halimbawa, sina Anabel at Lita ay nag-uusap tungkol sa balak na isasagawang proyekto ni Anabel. Pinipigil ito ni Lita at pinagsabihang baka hindi ito magtagumpay. Natapos ang usapan nila na sabi ni Anabel ay pag-iisipan niya. Nang muli silang magkita ang unang tanong ni Lita ay “Itutuloy mo rin ba?” Sagot ni Anabel ay “oo”. Ang mga nakarinig sa usapan ay walang naunwaan kung ano ang tinutukoy o hindi itutuloy ni Anabel. Subalit para kay Anabel at kay Lita lubos nilang batid ito at mayroon silang pagkaunawaan sa takbo ng usapan dahil sa kanilang nauna nang nakaraang pag-uusap. Iyon ang ibig sabihin ng dimensyong historikal.
DIMENSYONG SIKOLOHIKAL
Ang damdamin at emosyon taglay ng taong nag-uusap o ng mga taong kasangkot sa usapan ay nakaapekto sa uri, proseso at bunga ng usapan o komunikasyon. Halimbawa, maingat tayo sa pakikipag-usap sa isang taong bagong gising o taong naabala sa pagtulog. May kasabihan nga na magbiro ka na sa lasing huwag lang sa bagong gising. Gaya rin halimbawa, ng taong gutom o pagod. Medyo mainit ang ulo, wika nga tila wala pa sa kondisyon. Naaapektuhan ng kanilang damdamin at emosyon ang proseso ng usapan.
