Isang Tula sa Bayan

ni Marcelo H. del Pilar

Isang Tula sa Bayan

Sa iyong kandungan tinubuang lupa,
pawang nalilimbag ang lalong dakila;
narito rin naman ang masamang gawa
na ikaaamis ng puso’t gunita.

Ang kamusmusan ko kung alalahanin,
halaman at bundok, yaman at bukirin;
na pawang naghandog ng galak sa akin,
ay inaruga mo, bayang ginigiliw.

Ipinaglihim mo nang ako’y bata pa,
ang pagdaralitang iyong binabata;
luha’y ikinubli nang di mabalisa,
ang inaandukha mong musmos kong ligaya.

Ngayong lumaki nang loobin ng langit,
maanyong bahagya yaring pag-ibig
magagandang nasa’y tinipon sa dibdib
pagtulong sa iyo, bayang iniibig.

Ngayon na nga lamang, ngayon ko natatap
ang pagkafusta mo’t naamis na palad;
sa kaalipinan mo’y wala nang mahabag,
gayong kay raming pinagpalang anak!

Sa agos ng iyong dugo ipinawis,
marami ang dukhang agad nagsikinis,
samantalang ikaw, Bayang iniibig,
Ay hapung-hapo na’t putos ng gulanit.

Santong matuwid mo ay iginagalang
ng Diyos na lalong makapangyarihan
na siya na dapat na magbigay-dangal,
bagkus ay siya pang kinukutyang tunay.

Ngunit mabuti rin at mapupurihan,
Sa paghahari mo itong pamamayan,
Sapagkat nakuhang naipaaninaw,
Na dito na ang puno’y di na kailangan.

Kung pahirap lamang ang ipadadala
Ng nangagpupuno sa ami’y sukat na;
Ang hulog ng langit na bagyo’t kolera,
Lindol, beriberi’t madla pang balisa.


Si Marcelo H. del Pilar (1850-1896) ay naglakbay sa Espanya noong 1888 upang maiwasan ang mga pag-uusig sa kanya at upang makatulong sa mga propagandista.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *