Indarapatra at Sulayman

Buod sa Wikang Tagalog

Noong unang panahon ay may isang dakilang hari. Siya ay si Indarapatra, hari ng Mantapuli. Ang Mantapuli ay matatagpuan sa bahaging kanluran ng Mindanao, doon sa malayong lupain kung saan ang araw ay lumulubog.

Si Indarapatra ay nagmamay-ari ng isang makapangyarihang singsing, isang mahiwagang kris at isang mahiwagang sibat.

kris dagger of Indonesia

Hinagud, aking sibat, magtungo ka sa bahaging silangan at lupigin moa ng aking mga kaaway!” ang makapangyarihang utos ng hari. Pagkatapos magdasal, inihagis niya ang sibat na si Hinagud nang ubod lakas. Nang makarating na ito sa Bundok Matuntun, agad na bumalik ito sa Mantapuli at nag-ulat sa kanyang hari.

“Aking dakilang hari, maawa kayo sa mga taga Maguindanao. Sila’y pinahihirapan at kinakain ng mga walang-awang halimaw. Sinisira ng mga halimaw ang kanilang mga pananim at ang mga kabahayan. Binabalot ng mga kalansay ang kalupaan!” ulat ni Hinagud.

Nagalit si Indarapatra sa narinig. “Sino ang mga halimaw na iyon na walang-awang pumapatay sa mga walang kalaban-laban na mga taga-Maguindanao?” galit na tanong ni Indarapatra.

“Ang una po ay si Kuritang maraming paa at ganid na hayop sapagkat sa pagkain, kahit limang tao’y kayang maubos,” sagot ni Hinagud. “Ang ikalawa’y si Tarabusao. Isa siyang halimaw na mukhang tao na nakatatakot pagmasdan. Ang sinumang tao na kanyang mahuli’y agad niyang kinakain. Ang ikatlo’y si Pah, isang ibong malaki. Ang bundok ng Bita ay napadidilim sa laki ng kanyang mga pakpak. Ang lahat ng tao’y sa kweba na naninirahan upang makaligtas sa salot. Ang ikaapat ay isa pang ibon na may pitong ulo, si Balbal. Walang makaligtas sa bagsik ng kanyang matalas na mata pagkat maaari niyang matanaw ang lahat ng tao.” Sunud-sunod na paliwanag ni Hinagud.

Nang marinig ito ni Indarapatra, nagdasal siya at inutusan ang kapatid na si Sulayman, ang pinakadakilang mandirigma ng kaharian. “Mahal kong kapatid, humayo kayo at tulungan ang mga taga-Maguindanao. Heto ang aking mahiwagang singsing at si Juru Pakal ang aking mahiwagang kris. Makakatulong sa iyong pakikidigma ang mga ito.” Kumuha si Indarapatra ng isang batang halaman at ipinakiskis niya ang singsing na ibinigay kay Sulayman sa halaman at kanyang sinabi,”Ang halamang ito ay mananatiling buhay habang ikaw ay buhay at mamamatay ito kung ikaw ay mamamatay.”

At umalis si Sulayman sakay ng kanyang vinta. Lumipad ang vinta patungong silangan at lumapag sa Maguindanao. Biglang dumating si Kurita. Biglang tumalon si Juru Pakal, ang mahiwagang kris, at kusang sinaksak si Kurita. Taas-baba si Juru Pakal hanggang mamatay si Kurita.

Pagkatapos nito ay kinalaban naman si Tarabusao. “Lisanin mo ang lugar na ito, kundi ay mamamatay ka!” ang malakas na utos ni Sulayman.

“Lisanin ang lugar na ito! Nagkasala ang mga taong ito at dapat magbayad!” sagot ni Tarabusao.

“Narito ako upang tapusin na ang inyong kasamaan”” ang matapang na sabi ni Sulayman.

“Matalo man ako, mamamatay akong martir!” sagot ni Tarabusao. Naglaban sila at natalo ni Sulayman si Tarabusao.

Naglakad si Sulayman sa kabilang bundok upang sagupain si Pah. Ang bundok Bita ay balot ng mga kalansay at ng mga naaagnas na bangkay. Biglang dumating si Pah. Inilabas ni Sulayman si Juru Pakal at pinunit nito ang isang pakpak ni Pah. Namatay si Pah ngunit nahulog ang pakpak nito kay Sulayman. Namatay si Sulayman.

Sa Mantapuli, namatay ang tanim na halaman ni Indarapatra. Agad siyang nagtungo sa Maguindanao at hinanap ang kapatid. Nakita niya ito at siya’y nagmakaawa sa Diyos na buhayin muli ang kapatid. Tumagis siya ng tumangis at nagdasal kay Allah.

Biglang may bumulwak na tubig sa tabi ng bangkay ni Sulayman. Ipinainom ito ni Indarapatra kay Sulayman at biglang nagising pagkainom. “Huwag kang umiyak, aking kapatid, nakatulog lang ako nang mahimbing,” sabi ni Sulayman. Nagdasal sila Indarapatra at Sulayman upang magpasalamat sa Diyos. “Umuwi ka na, aking kapatid, at ako na ang tatapos kay Balbal, ang huling halimaw,” utos ni Indarapatra. Umuwi si Sulayman at nagtungo si Indarapatra sa Bundok Guryan at doon nakipaglaban kay Balbal.

Isa-isang pinutol ni Indarapatra ang mga ulo ni Balbal hanggang isa na lamang ang natira. Dahil ditto, lumisan si Balbal na umiiyak. Inakala ni Indarapatra na namatay na si Balbal habang tumatakas. Ngunit ayon sa matatanda ay buhay pa si Balbal at patuloy na lumilipad at humihiyaw tuwing gabi.

Pagkatapos ng labanan, naglakad si Indarapatra at tinawag ang mga taong nagsipagtago sa kuweba ngunit walang sumasagot. Naglakad siya nang naglakad hanggang siya’y magutom at mapagod. Gusto niyang kumain kaya’t pumulot siya ng isda sa ilog at nagsaing. Kakaiba ang pagsasaing ni Indarapatra. Inipit niya ang palayok sa kanyang mga hita at umupo siya sa apoy upang mainitan ang palayok. Nakita ito ng isang matandang babae. Namangha ang matandang babae sa taglay na kagalingan ni Indarapatra. Sinabihan ng matanda na maghintay si Indarapatra sa kinalalagyan sapagkat dumaraan doon ang prinsesa, ang anak ng raha. Umalis ang matandang babae dala ang sinaing ni Indarapatra.

Paglipas ng ilang sandali ay dumaan nga ang prinsesa at nakuha ni Indarapatra ang tiwala nito. Itinuro ng prinsesa kung saan nagtatago ang ama nito at nalalabi sa kaharian nila. Nang Makita ni Indarapatra ang raha, inialay ng raha ang kanyang pag-aari kay Indarapatra. Ngunit tinanggihan ito ni Indarapatra bagkus kanyang hiningi ang kamay ng prinsesa.

Sa maikling panahong pananatili ni Indarapatra sa Maguindanao, tinuruan niya ang mga tao kung paano gumawa ng sandata. Tinuruan niya kung paano maghabi, magsaka, at mangisda.

Pagkalipas ng ilang panahon pa, nagpaalam si Indarapatra. “Tapos na ang aking pakay rito sa Maguindanao. Ako ay lilisan na. Aking asawa, manganak ka ng dalawa, isang babae at isang lalaki. Sila ang mamumuno rito sa inyong kaharian pagdating ng araw. At kayong mga taga-Maguindanao, sundin ninyo ang aking kodigo, batas, at kapangyarihan. Gawin ang aking mg utos hanggang may isang mas dakilang hari na dumating at mamuno sa inyo,” paalam ni Indarapatra.

19 thoughts on “Indarapatra at Sulayman”

  1. Magandang gabi. Maaari ko po bang magamit ang inyong buod para sa gagawin kong worksheet para sa aming mag-aaral ?

    Magandang araw po. Maaari ko po bang magamit ang buod ninyo para sa gagawing modyul. Salamat po

    1. Maaaring maaari, ngunit kalahati lang dapat ang iyong gamitin dahil kasama ito sa patakaran
      ikaw na ang maglalapat ng panibagong katapusan sa epikong ito

  2. mam/sir,
    ok na po pala, may mga nakita akong pang-ugnay na ginamit nyo.. di ko na po sisingitan., yon an rin ang gagamitin ko, salamat po..

  3. mam/sir,
    ginamit ko po ang buod ninyo ng indarapatra at sulayman, ito po yung nakita kong pinakamaayos at kumpletong buod. maari ko po bang singitan ito ng ilang pang-ugnay na gagamitin ko sa modyul at sa klase? para po sa pagtalakay ko naman ng sanhi at bunga.,
    naka-indicate po sa copy ko kung saang site ko ito nakuha. magkakaron lang po sana ng kaunting pagbabago dahil sisingitan ko ng pang-ugnay, kung maari po? salamat..

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *