A translation into Tagalog of Jose Rizal’s Spanish poem Himno Á Talisay
Imno sa Talisay
Koro
Mabuhay, Talisay!
Matiyaga’t matibay
Laging sa unahan
Maglalakad ikaw.
Ikaw’y matagumpay
Sa lahat ng bagay
Lupa’t karagatan,
Talo mo, hangin man.
Mula sa Dapitan, ang baybaying lahat,
ay may kabatuha’t bundok na mataas,
iyon ang trono mong tahanang matatag!
Ang kabataan ko’y doon lumipas,
Sa mga parang mong puno ng bulaklak,
ng mga halamang sa bunga’y lugayak,
itong diwa nami’y doon natatabas,
kaluluwa’t katawa’y magkasamang ganap. — Koro
Kami’y mga batang tanghaling sumilang,
nguni’t may kalulwang sariwa rin naman,
lalaking malakas kaming mamamasdan,
bukas ng umaga pagsikat mg araw,
ang kaanak nami’y maaalagaan.
Kami’y mga batang walang katakutan,
sa unos, sa kulog, maging sa ulan man;
bisig nami’t mukha’y panatag at laan,
nakahandang lagi sa pakikilaban. — Koro
Nahahalo namin pati ang buhangin;
ang kabatuhan ma’y nagtatakbuhan din;
ang tahanan nami’y sa bato natanim
saanman ay abot ang sandata kimkim
Walang paglalaho, ni gabing madilim
kahit na lumitaw sa amin si Luzbel
sa bagyo man nama’y di nangungulutding,
patay man o buhay, aming huhulihin. — Koro
Ang tawag sa ami’y mga “Talisaynon”,
kalulwa’y dakila, katawan ma’y sahol,
dito sa Dapita’t sa iba mang nayon,
Talisay wala pang pinapanginoon.
Lawa namin dito’y wala pang katukol,
ang talon ng tubig, banging di manuynoy,
at kung sa pagsagwan sa bangka tutukoy,
di malalampasan, kung kami ang habol. — Koro
Mga suliranin ng agham na ganap,
pinag-aaralan naming lahat-lahat,
apat na wika ma’y aming mabibigkas
kaugnay ng puso’t ng isip na tapat
mga bisig nami’y sabay sa paghawak
ng kampit, araro’t ng aming panulat,
ng pikong pambato, ng baril at itak
kasama ng mga lalaking malakas. — Koro
Mabuhay, Mabuhay, malagong Talisay!
Ikaw’y pinupuri naming sabay-sabay,
magandang bituin piling kayamanan
na siyang tuntunin niring kamusmusan.
Sa marming digmaang tayo’y inaantay,
taong nasusupil ng mga ligamgam,
ang alaala mo’y kanyang dupil naman,
ngalan mo sa libing ang kapayapaan. — Koro


