Buod ng Ibong Adarna
Ang korido ng Ibong Adarna ang pamagat ay kasaysayan ng isang hari na Fernando ang pangalan at ang asawa ay si Reyna Valeriana. May tatlo silang anak na ang mga pangalan ay prinsipe Pedro, prinsipe Diego at prinsipe Juan.
Ang tatlong magkakapatid ay pinaturuang mabuti ng paghawak ng patalim sapagka’t silang lahat ay may hangad ng korona. Sila ay pawang masasaya sa kanilang palasyo at sa tuwina ay may mga tawanan at halakhakan.
Isang gabi, ang amang hari ay nanaginip. Siya ay balisang-balisa at lungkut na lungkot sapagkat sa kaniyang panaginip, ang kaniyang bunsong anak na si Don Juan ay nililo ng dalawa at pinatay. Nang patay na inihulog ang katawan sa isang balon na malalim. Buhat noon ay di na nakatulog ang hari at hindi na rin nakakain. Naging buto’t balat siya at sa lagi na lungkut na lungkot. Sang-ayon sa manggagamot ay wala raw makagagaling sa kaniya kundi ang awit ng Ibong Adarna. Dahil dito ay unang inutusan niya ang panganay na anak na si Don Pedro upang hanapin ang ibong ito. Ang ibon ay sa tabor lamang matatagpuan at Piedras Platas ang hinahapunan.
Mahigit na tatlong buwan na binagtas ni Don Pedro ang lahat ng kagubatan at itinalaga na ang sarili sa anumang kahinatnan. Sa masamang kapalaran ang kabayo niya’y namatay, kaya’t naglakad na lamang siya. Inabot niya ang kinalalagyan ng ibon, na gabing tahimik lamang kung umuwi sa kaniyang punung tinitirhan. Ang ugali ng Ibong Adarna kung dumating ay kumakanta at sa pagkanta niya ay naghahalili ng damit o balahibo. Anupa’t sa pagkanta niyang makapito ay nagbibihis namang makapito. Pagkatapos ay aayusin na ang kaniyang pakpak, siya’y magbabawas. Nakabuka ang kaniyang mga pakpak at ang mga mata niya ay dilat. Si Don Pedro na pagud na pagod ay mahimbing na nakatulog kaya’t nang magbawas ang ibon napatakan si Don Pedro at noon di’y naging bato.
Sumunod na inutusan ay si Don Diego naman. Limang buwan siyang naglakbay nguni’t hindi nasumpungan ang kapatid niyang mahal. Sa paglalakbay niyang ito ang kabayo ay namatay, kaya’t naglakad na lamang hanggang sa marating ang Piedras Platas na hanap. Gaya rin ni Don Pedro hinangaan niyang totoo ang punungkahoy na tirahan ng ibon niyang hinahanap. Nang lumalim na ang gabi sa kahihintay ni Don Diego, siya’y nanghimagal kaya’t nahimbing din siya sa batong doo’y nakita. Hindi naman nagtagal ay dumating na ang ibong hinihintay niya. Gaya rin ng kapatid na una ay natayan siya at noon di’y naging bato ang prinsipeng si Don Diego.
Nainip ng kahihintay ang kaniyang kaharian kaya’t si Don Juan naman ang kaniyang pinalakad. Si Don Juan ay naglakad lamang at ang bao’y tinapay lang na lima ang bilang. Bago siya umalis ay napabendisyon sa kaniyang ama at nanalangin sa Birhen Maria.
Nang makain na ang apat na tinapay ay sumalunga na sa bundok at doo’y nasalubong ang isang matandang leproso na nanghingi ng baon niya. Maligaya niyang iniabot ang tinapay na dinukot sa bulsa. Natuwa ang matanda kay Don Juang mapagpala, kaya’t ito’y tinanong kung siya’y may maitutulong. Sinabi ngayon ni Don Juan ang mahalaga niyang pakay. Tumulong ang matanda at nagbilin sa kaniya na huwag siyang mahumaling sa lahat ng magandang kaniyang makikita at huwag din siyang matutulog kung makita na ang ibon.
Upang mapaglabanan ang antok siya’y binigyan ng labaha at saka dayap pa. Ang bilin sa kaniya ay ito: Pagsisimula ng pagkanta ng ibong adarna, hiwain ang palad niya at ang dayap ay ipiga na. Dahil sa antak at kirot nito ay hindi siya nakatulog at hanggang sa natapos ang pitong awit nitong ibon at nang makapagbihis na makapito at sa pagbabawas nito ay lumayo siyang totoo at nang hindi maging bato. Siya ay binigyan ng matanda ng sintas na lantay na ginto na siyang itinali sa ibon nang ito’y natutulog.
Matapos mahuli ang ibon, sa matanda ay nagpunta siya. Ito naman ay nagpakuha ng tubig na ibinuhos sa dalawang batong naroon. Agad-agad naging tao ang dalawang bato, at saya nilang tatlo ay hindi magkatoto.
Ipinagdiwang ng matanda ang tagumpay ni Don Juan at nagkayari silang tatlo na uuwi na sa Haring Fernando. Paalaala pa ng matanda ay huwag sanang maglililo ang alin man sa kanila. Nang nasa daan na itong palamarang kapatid niya ay kusa nang bumulong kay Don Diegong kasama noon. Ang hangad ni Don Pedro ay patayin si Don Juan dahil sa inggit nguni’t pinagpayuhan ni Don Diego na lamugin at pahirapan na lamang siya at iwang mahina na. Kaya siyang natupad ang balak nilang pagpapahirap at iniwang lamog na lamog sa mga damo sa bundok itong si Don Juan.
To be continued very soon…

Sana po matapos nyo kasi po kung kulang po hindi din po makakahelp.
Hi po. Sana po matapos niyo ang buod ng Ibong Adarna. Ito po ang best na buod online na nabasa ko so far.