HUGNAYAN

Ang mga pangungusap ay may apat na uri ayon sa pagkakabuo: payak, tambalan, hugnayan at langkapan.

Madaling Paraan ng Pagbubuo ng mga Tambalan, Hugnayan at Langkapang Pangungusap

1. Payak. Ang pangungusap ay payak kung ito ay naghahatid ng isang kaisipan o diwa lamang.

Halimbawa:

Kasalukuyang nagkakaroon ng mga pagbabago sa pamahalaan.

Magkaisa tayo para sa katahimikan at kaunlaran ng Pilipinas.

Walang nagiging suliranin ang mga mag-aaral sa pagbuo ng mga payak na pangungusap. Ang suliranin sa pagbubuo ay nasa tambalan, hugnayan at langkapang pangungusap. Sa tambalang pangungusap ay hindi pa gaano subalit sa hugnayan at langkapan na may kahabaan ay karaniwang nahihirapan ang mga mag-aaral. Ito ang dahilan kung bakit kung minsan ang kanilang mga pangungusap ay walang kaisahan at hindi malinaw.

2. Tambalan. Ang tambalang pangungusap ay binubuo ng dalawa o mahigit pang mga payak na pangungusap o sugnay na makapag-iisa na pinag-uugnay ng mga pangatnig.

Halimbawa:

Sa pamamagitan ng wika nakikilala natin ang sarili nating daigdig at nagkakaroon tayo ng sariling pananaw sa lahat ng mga pangyayari.

Ang mayayaman ay lalong yamayaman samantalang ang mahihirap ay patuloy na naghihikahos sa buhay.

Ang gusto mo ba ay sumama sa amin o maghihintay ka na lamang dito sa bahay?

3. Hugnayan. Karaniwan nang ang suliranin ng kaisahan ay sa mga pangungusap na mahahaba nangyayari — sa mga pangungusap na binubuo ng mga sugnay. Kadalasan ang sugnay na panuring ay nawawala sa tamang lugar o kaya naman mali ang gamit ng pangatnig kaya nawawala ang pagkakaugnayan ng punong sugnay at ng sugnay na pantulong. Nakikita ang ganitong mga kamalian sa mga pangungusap na hugnayan.

Halimbawa:

Kunin mo ang pantalon ng tatay mong bago sa sampayan nang hindi abutin ng dilim.

Ang mangga ay isa sa pinakamasarap na bunga ng kahoy natin, at ito’y napakaasim kung hilaw, berde at hugis-puso, ngunit napakatamis kung hinog at dilaw ang kulay.

Subuking ipawasto ang mga pangungusap upang maging malinaw.

Ang pangungusap na hugnayan ay binubuo ng isang punong sugnay at isa o mahigit na pantulong na sugnay.

Isang madaling paraan ng pagbubuo ng mga pangungusap na hugnayan ay gawing patnubay ang katuturan nito. Bumuo muna ng isang payak na pangungusap at saka ito dugtungan ng isang pantulong na sugnay na pinangungunahan ngpangatnig. Huwag kalilimutang ang sugnay na pantulong ay dapat kaugnay ng diwa ng payak na pangungusap na unang binuo. Pagkatapos na madugtungan ng isang pantulong na sugnay ang payak na pangungusap na unang binuo, maaari pa uli itong dugtungan ng isa pang pantulong na sugnay na ang kaisipan ay may kaugnayan sa dalawang naunang sugnay. Magagawa ang pagdurugtong ng mga sugnay na pantulong hangga’t may mga kaisipang nais na idagdag na kaugnay ng diwa ng mga sugnay na naibigay na. Ang ganito ay magagawa kung ang bumubuo ng pangungusap ay may sapat na kasanayan sa paggamit ng mga pangatnig na ginagamit sa pagbuo ng mga hugnayang pangungusap.

Narito ang halimbawa ng hugnayang pangungusap:

May kahinaan ang bansa sapagkat nagkakawatak-watak ang mga mamamayan subalit kung magkakaroon ng pagkakaisa marahil magkakaroon tayo ng bagong pag-asa.

4. Langkapan. Katulad din ng hugnayang pangungusap, ang langkapan ay may kahabaan kaya medyo may kasalimuutan.

Ang langkapang pangungusap ay binubuo ng dalawa o mahigit na sugnay na makapag-iisa at isang sugnay na di-makapag-iisa. Para sa madaling pagbubuo ng langkapang pangungusap, bumuo muna ng tambalang pangungusap, saka ito dugtungan ng sugnay na di-makapag-iisa o pantulong na sugnay.

Halimbawa:

Ang presyo ng mga bilihin ay patuloy na tumataas samantalang ang suweldo ng mga manggagawa ay hindi nagbabago kaya pahirap nang pahirap ang pamumuhay ng mga tao at dahil dito maraming sumasama.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *