Dahil lagi at lagi tayong nagsisikap na maging ganito

Dahil lagi at lagi tayong nagsisikap na maging ganito
Richard R. Gappi

Tula ang nag-uugnay sa atin.
Dahil lagi at lagi tayong nagsisikap na maging ganito,
ang maging makata ng ating panahon,
tila isang blangkong papel
na nakatikom ang ‘di natin pag-uusap.
Ngunit kapag nagpapadala ako ng nasulat kong tula,
ang pinag-abutan ko ay tila isang kuryer
na nagtatagni sa malawak na puwang ng ‘di pagkikita.
Naisip ko na ang layo na kanyang nilalakbay
upang iabot sa iyo ang tula ay singhaba
ng binaybay ng panulat sa aking papel.

Mahabang dila ang lansangan ng paghihintay.
Ngunit maingat ang bawat salita sa paghakbang.

At kapag lumapag na sa iyong palad ang aking tula,
naririnig ko ang malambot na tinig
na namumutawi sa iyong labi;
tinatapik ako ng pulso mong pumipintig,
marahang hinahaplos ang napagod kong diwa.
nararamdaman ko ang iyong pintig.
Kapag tinititigan mo naman ang pahina,
nagiging kuwadrong salamin itong
ibinabalik sa akin ang hugis ng iyong mukha;
nasisipat ko ang munting bálat
sa kaliwang talukap ng iyong pilikmata.

Dahil lagi at lagi tayong nagsisikap na maging ganito,
ang maging makata ng ating panahon,
hinahanap natin at isinusulat
sa kung saan man tayo ihatid ng ating talampakan

Ang bagong imahen
Ang bagong metapora
Ang bagong buhay
Ang bagong daigdig

Ang bagong dugo ng tula

Dahil lagi at lagi tayong nagsisikap na maging ganito,
ang maging makata ng ating panahon,
tula ang nag-uugnay sa atin
nasaan man tayong dako ng daigdig.

Dahil sa atin,
tulad ng mahahabang hakbang
na nilalakbay ng aking tinig,
ang digmaang bayan ang tulang nag-uugnay
sa buong sambayanan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *