Ang Agosto ay Buwan ng Wikang Pambansa.
August is National Language Month in the Philippines!
TEMA para sa Buwan ng Wika 2024
Filipino: Wikang Mapagpalaya
Wikang Filipino bilang Instrumentong Nagpapalaya
Sa gramatikang Filipino, ang panlaping-unlaping “Mapag” ay nagsasaad ng kawilihan o pag-uugali tulad ng mapagkalinga, mapagkawang-gawa, mapagpatawad—sa tema ngayong taón ay MAPAGPALAYA. Kung sa gayon, itó ay pag-uugaling nagpapalaya ang mapagpalaya.
Simbolismo sa Poster
Kaugnay sa sikolohiyang Pilipino sa pagiging mapagpalaya ay makikita sa poster ngayong paggunita sa Buwan ng Wikang Pambansa ang krokis at dibuhong may mga Pilipinong naglalakad na may iba’t ibang kasuotan mula sa payak na pananamit hanggang sa kultural na mga kasuotan na sumisimbolo sa dibersidad ng mga wika sa Pilipinas na patungo sa kanilang mga gawaing magbibigay sa kanila ng kasiglahan, saysay, at kalayaan sa paggawa. Gayundin ang nasa mga kuwadrong guhit na may senyas na wika, pakikipagkapuwa, pakikinig, pagbabasa, pagtuturo, at mga gawaing nagbibigay nang matiwasay na pagpapakahulugan tungo sa makabuluhang paggamit ng wika bilang instrumentong titiyak sa emansipasyon sa anumang hamon at suliranin na kanilang kinakaharap. Wika ang susi sa ugnayang-pantao na magtatawid sa mabuting tunguhin na makikita sa poster sa gitna nang mabilis na pag-usad ng mundo.
Hinggil sa Aktibidad
Batay sa KWF Kapasiyahan Blg. 8-2, s. 2024, ang tema ng Buwan ng Wikang Pambansa ay hinati sa limang (5) lingguhang tema:
- FSL tungo sa Ingklusibong Pambansang Kaunlaran;
- Sistematiko at maka-Agham na Pananaliksik tungo sa Pambansang Kaunlaran;
- Paggamit ng Indigenous Knowledge System and Practices (IKSP) sa Scientific Research;
- Katutubong Wika sa Pagpapaunlad ng Edukasyong Pambansa; at
- Paglaban sa Misinformation (fact checking).
Ano-ano ang katangian ng wika upang maging behikulo ng pagpapalaya?
- Kung mayroong wikang magbibigkis sa gitna ng hidwaan, mawawakasan ang sigalot sa dalawang panig na hindi nagkakaunawaan.
- Kung may mga publikasyon o babasahin na mababasa ng mga batang nasa laylayan ng lipunan, makalalaya sila sa iliterasiya.
- Kung ang nasyon ay gagamit ng wikang Filipino sa pakikipagtransaksiyon sa pamahalaan, lalong mararamdaman ng mamamayan ang serbisyong pambayan na sa kanila ay inilalaan, gaya ng winika ni Sen. Lito Lapid (2022):
“Sadyang napakahalaga po sa ating bansa na lubos na naiintindihan ng ating mga kababayan ang lahat ng mga dokumento at sulatin ng ating gobyerno. Kung madali pong maintindihan ang ating mga batas ay mas ma-eengganyo po ang ating mga kababayan na hindi lamang sumunod sa batas, kundi makilahok po sa mga usapan patungkol sa mga pambansa at pampublikong mga isyu.”