“Makata ng Taong 1972,” na ang tulang nagkamit ng karangalan ay ang “Huling Salalayan,” sa Talaang Ginto na itinaguyod ng Surian ng Wikang Pambansa. Siya at ang kanyang mga kasamang nagsipagwagi ay pinarangalan at tumanggap ng “Katibayan ng Pagpapahalaga” sa bulwagan ng Aklatang Pambansa, kaugnay ng pagdiriwang sa ika-185 kaarawang ng Dakilang Makata ng Lahi — Francisco Balagatas.
Talambuhay ni Aurelio G. Angeles
Isinilang si Aurelio G. Angeles sa nayon ng Manbangnan, San Leonardo, Nuweba Esiha. Nguni’t nalipat sila sa Munyos, N. Esiha. Isa siyang hamak na negosyante. Nag-aral ng pagsasaka. Doon siya nagsimulang magsulat ng tula at mga kuwento. Bumibigkas sa mga pagtitipon at nagpuputong sa mga reyna ng pagdiriwang.
Si Angeles ay batambatang naging bise alkalde, at naluklok ding pansamantalang punong-bayan. Pinakinabangan ng mga taga-Munyos ang kanyang panunungkulan sapagka’t marami siyang nailigtas na gerilya, Huk, at mga mamamayang napagbibintangang nagpupunla ng paghihimagsik laban sa pamahalaang Hapones, na laging ang nagiging panagot ay ang kanyang buhay. Marami rin siyang nailigtas na “makapili” o maka-Hapon na dinarakip ng mga gerilya at mga Huk.
Siya rin ang gumawa ng paraan upang mapagkasundo ang noo’y maigting na paglalabanan ng mga Huk at mga gerilya sa Munyos at sa mga kalapit-bayan, bagay na ipinagkasugat ni Kapitan McKenzie sa isang sagupaang naganap sa isang nayon ng Likab, N. Esiha. Noon siya ninombrahang ni Medyor Lapham bilang isang tinyente.
Siya rin ang ginawang tulay nina Medyor Munsod, na noo’y p ansamantalang punong-lalawigan sa Nuweba Esiha; at naging Heneral Arellano na noo’y kapitan upang lihim na makipag-unawaan kina Medyor Lapham at Kapitan McKenzie. Malimit sila noon sa Munyos, sa dahilang ang dalawang Amerikano ay hindi umalis doon, al nagpapalipat-lipat lamang sa mga nayong sakop ng naturang bayan hanggang sa dumating ang mga hukbong tagapagpalaya.
Ang tatlong pinuno ng PC na magkakasunod na nadistino sa Munyos, sina Kapitan Aleta, naging gobernador ng Nuweba Esiha; Kapitan Figueroa, Kapitan Veneracion, mga tinyente at sarhento, gayundin ang ilang bumubuo ng pangkat ng pulisya sa nasabing bayan, ay ilang ulit niyang naisama sa pagkikipagkumperensiya kina Medyor Lapham at Kapitan McKenzie. Ang naghahanda noon ng pook na pagpupulungan ay ang kanyang kumpareng Dario V. Santos (SLN), naging alkalde ng Munyos; at kapatid nitong Dominador V. Santos na ngayo’y kasalukuyang alkalde ng nasabing bayan.
Nguni’t hindi niya nalilimutan ang pagsusulat ng tula. At noong 1943, sa timpalak-panitik na binuksan ng samahan ng “Tinig ng Wika” sa Munyos, siya ang nagkapalad na nagkamit ng Unang Gantimpala.
Dahil sa matapat niyang paglilingkod sa bayan, noon namang Nobyembre 30, 1945, araw ng kapanganakan ng dakilang bayaning Gat Andres Bonifacio, ay nagkaisa ang mga pinuno ng bayan ng Munyos at mga mamamayan, na siya’y sabitan ng medalya na kalakip ang isang “katibayan,” bilang ganti o tanda sa mga ginawa niyang kagitingan sa pagliligtas ng maraming buhay. Ang nasabing katibayan ay may lagda ng noo’y pansamantalang punong-lalawigan Herminio E. Algas ng Nuweba Esiha, at Alkalde Anastacio Tobias ng Munyos.
Nang malipat siya sa Maynila noong 1946, malimit na nakikipagkita sa kanya ang mga kilalang lider mula sa kanilang bayan at hinihimok siyang kumandidatong alkalde, isa na ang kanyang kumpareng Dario V. Santos, nguni’t nagpakatanggi-tanggi siya sapagka’t mayroon na siya noong mga anak na nagsisimulang mag-aral. Nais niyang makatapos ang mga iyon. Pinangatawanan na lamang niya ang pagsusulat ng tula, kuwento at mga nobelang tapos.
Naging reporter din siya ng naging Kalihim Alejo S. Santos ng Tanggulang-Bansa, sa panahon ng naging Pangulong Carlos P. Garcia (SLN), at labinlimang taong Regular Member ng National Press Club.
Isang “kapasyahan” ang nilikha ng Pambansang mga Makata upang siya’y hiranging “Prinsipe ng Balagtasan” na pinarangalan sa bulwagang Plaridel ng National Press Club noong Nobyembre 12, 1967. At noong Disyembre 16, 1967, ay pinutungan siya ng laurel nina Direktor Jose Villa Panganiban at Alkalde Dominador V. Santos sa Munyos, Nuweba Esiha.
Ang kanyang “Mohon sa Bagong Hanggahan” ay nagkamit naman ng pangalawang gantimpala sa “Timpalak Batute na itinaguyod ng Surian ng Wikang Pambansa noong Nobyembre 22, 1968, ika-72 kaarawan ng Makatang Jose Corazon de Jesus. Marami pa rin siyang tulang napabilang sa ginagawang pagpili taun-taon ng Talaang Ginto. Ang susunod niyang ipaaaklat ay ukol naman sa balagtasan.
