Ang Silindro ni Doy

Ito ay halimbawa ng isang maikling kuwento sa Tagalog.

Ang Silindro ni Doy
Wilfrido Pa. Virtusio

Ang buong pangalan niya’y Sancho Pancho, pero ang tawag sa kanya ng buong Brigada D ay Doy. Pandak si Doy, apat na talampakan at sampung dali ang taas, maitim, matipuno ang katawan, usli ang mga buto sa mukha, malago ang kilay, madidilat ang mga matang may kakatwang ningning, makapal ang mga labing pinanunungawan ng patung-patong, malalaki at madidilaw na ngipin. Kung hubad si Doy — at lagi siyang hubad — ay kapansin-pansin ang dalawang pilat sa kaliwa niyang tagiliran.

“Dahil ba sa tingga ’yan, Doy?” usisa ko nang unang gabi ko sa Brigada D. Magkatabi ang tarima namin, parehong pang-ibaba ng aapating katreng bakal.

“Baril man ine, ’noy,” sabi ni Doy.

“Ano’ng nangyari?” tanong ko. “Natiyempuhan ka ba ng mga lespu sa pagtutok?”

“Di man, ’noy. . .” sabi ni Doy. At sa magkahalong Ilonggo at Tagalog ay ikinuwento niya sa akin ang dahilan ng mga pilat na iyon. Umano, dahil sa kahirapan ng buhay sa Negros ay lumikas siya sa Mindanaw, kasama ng kanyang asawa at tatlong anak. Humimpil sila sa isang kagubatan, naghawan ng sukal, nagbungkal ng birheng lupa. Pagkaraan ng ilang tag-ulan at tag-init ay nakamtan ni Doy ang bunga ng kanyang paghihirap at maligayang-maligaya siya sapagka’t hindi magugutom ang kanyang asawa’t anak. Subali’t…

isang araw ay dalawang lalaki ang dumating sa sinasaka niyang bukid, inaangkin iyon. At ayon sa mismong pagsasalita ni Doy sa pagkukuwento niya: “Akon ang lupang ine,” sabi niya sa dalawang lalaki. “Nang unang maggadto ako dire, damo pang mga punungkahoy. Nalinis ko mang mag-isa. Maaga pa, nag—ubra na ako, gabi na nag-ubra pa rin ako. Iniladlad ng dalawang lalaki ang mga papeles na katunayan ng pagmamay-ari sa lupa. “Way mang kuwenta sa akong mga papeles-papeles,” sabi ni Doy. “Di man ako marunong magbasa. Basta akong lupa ine!” Umalis ang mga lalaki pero ilang araw ay nagbalik, kasama ang isang pulis ng bayang nakasasakop sa kagubatang iyon.

Pinaalis si Doy sa kanyang bukid. Nagallt si Doy. Tinaga niya ang dalawang lalaki. Binaril siya ng pulis. Napatay ang dalawang lalaki, nabuhay si Doy at nahatulan siyang mabilanggo nang habang buhay. Umuwi ang kanyang mag-iina sa Negros at ang lupang dati’y madawag na gubat ay napasakamay ng kun gsinong di niya kilala.

Siyempre pa, hindi ako naniwala nang ikuwento sa akin ito ni Doy. Kung nasa bilibid ka, at kung ilang ulit na akong labas-masok sa city jail bago tuluyang napasok sa Big House, para hindi mabilog ang ulo mo, kailangang ang sinasagap ng isang tainga mo’y ilabas sa kabila.

Utu-uto si Doy, natuklasan ko nang sumunod na mga araw. Ipagawa mo na ang gusto mong ipagawa, sabihin mo lang na “palo ako sa kaha mo, Doy,” at gagawin niya. Kung ’ala kang pomada, sabihin mo lang na “palo ako sa buhok mo, Doy” at ayos na’ng problema mo. O kaya’y “Yosi nga, Doy,ikaw lang ang pag-asa ko e,” at hindi lang isang bilog ang ipahihitit sa ’yo.

Walang dalaw si Doy pero hindi siya nawawalan ng sigarilyo. Houseboy siya ng buong Brigada D.

Madaldal si Doy. Makuwento. Pero walang matinong bilanggo na nakikipag-usap sa kanya. Ako, pagka’t magkatabi nga ang tarima namin at pagka’t malakas ako sa sigarilyo, ang madalas sumagap ng mga kakuwanan ni Doy.

“Mahal mo ba’ng asawa mo?” isang gabi’y tanong sa akin ni Doy.

“Oo,” sagot ko kahit hindi niya binabangggit kung sinong asawa.

“Mahal mo rin ang mga anak mo?”

“Mahal ko,” sabi ko at pahapyaw kong itinanong sa isip kung ilan na kaya ang nagiging mga anak ko.

“Di ko lang mahal, kundi mahal na mahal ang mga anak ko,” sabi ni Doy.

“Natural lang na mahalin mo ang asawa’t mga anak mo,” sabi ko nakadarama na ng pagkainis.

Natahimik si Doy. Ang hagok ng mga bilanggong malapit sa amin ay nakisaliw sa naulinigan kong pagbubuntunghininga ni Doy.

“Alam mo…” maya-maya’y narinig ko, “masaya sana kami kung way nagkuha sa lupa ko. Siling ko sa kanila, akon ang lupang ’yon. Siling ko, di naggutom ang mga anak ko. Siling ko pa, kung gusto nilang mga usa at baboy-ramo, maghatag man ako wag lang nilang kunin ang lupa ko…”

“Naikuwento mo na sa ’kin ’yan,” putol ko.

Natahimik uli si Doy.

“Noy…” pagkuwa’y narinig ko na naman. Lumingon ako at nakita kong ang kakatuwang ningning sa mga mata ni Doy ay naparam at nahalinhan ng malabong kislap na angkin lamang ng mga taong puno ng salaghati ang buhay. “Bakit ganito’ng mundo? Bakit kahit imo na, kinukuha pa ng iba? Bakit nila ako ginakulong? Way man akong kasalanan, a. Sila man ang me arang kasalanan, a.”

“Matulog ka na!” sabi ko. Isang bagay iyong ipinagtataka ko kay Doy: pagagu-gago siya pero may mga sandaling ’kala mo’y matino.

Isang hapong galing ako sa pagtatrabaho sa labas ng piitan ay naratnan kong nakahilata sa kanyang tarima si Doy, nakasalpak sa bibig ang isang makintab na silindro.

“Sa’n galing ’yan?” tanong ko.

“Akon ine,” sagot ni Doy. “Ginabenta sa akon.”

“Marunong ka ba?”

Dinala uli ni Doy sa bibig ang silindro. Hinipan. Tumunog. Hinigop. Tumunog. Paulit-ulit niyang ginawa iyon.

“Turuan mo ’ko,” pagkuwa’y nakatawang sabi ni Doy.

Nakaawang ang bibig ni Doy kaya litaw na litaw ang malalaki, madidilaw niyang ngipin.

“Gago mo!” suyang-suyang sabi ko.

Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi ako ginambala ni Doy nang gabing iyon ng mga walang kamuwangan niyang katanungan. Nang sumunod pang mga gabi ay ang silindrong iyon ang naging kaulayaw niya. Ang malabong kislap sa kanyang mata ay hindi ko na nakita.

“Pakinggan mo ine, noy.” isang ja[pm ay sabi ni Doy. At ginagap ng kanyang bibig ang silindro. Subali’t ngayo’y kakaiba, may tono ang kanyang tinutugtog: Kung di ako nagkakamali’y ang tugtuging Ay, Ay Kalisud. Bigay-hilig sa pagtugtog ang gago, papikit-pikit pa.

“Sa’n mo narinig ‘yan? tanong ko.

“Ine man ang ginaharana ko sa misis ko,” sabi ni Doy.

Tumugtog uli si Doy. Maharot. Yumuyugyog ang katawan ng gago. Pumapadyak-padyak pa. Sa’n ko ba narinig ang himig na ’yon? A, ang A Hard Day’s Night ng Beatles!

“Linsiyak ka’ ’wag mong sabihing ’yan din ang ipinaghaharana mo sa misis mo.”

“Narinig ko man ’yan na ginatugtog ni Tsip.” Si Tsip ay isang dating pulis sa isang bayan sa Pampanga. Kakatwa na siyang dating nagbabantay ay siyang binabantayan ngayon!

Kung nakaligtas man ako sa pakikipag-usap kay Doy dahil sa pagkalibang niya sa kanyang silindro ay higit na sakit naman ng ulo ang idinulot sa akin niyon…

To be continued…

One thought on “Ang Silindro ni Doy”

  1. Tagalog term means you idoit!/you wanker!/you stupid! by the international media throughout the world.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *