Itong tula ay isinulat ni Emilio Mar Antonio, isang makatang taga-Bulacan. Masasabing ito’y isa ding halimbawa ng pabula o kuwentong may aral.
Ang Mangga at ang Bakawan
May mga bakawang pahanay ang ayos;
Sa kabilang pampang nama’y nakatanod
Ang puno ng manggang malago’t matayog;
At sa kanyang sangang nangaglaylay halos,
Daho’y dumidila sa matuling agos.
Minsan ay napansin ng manggang malabay
Na nangagtutukod ang mga bakawan;
Bahagi ng puno’y di nangasasayang
Pagka’t pati sanga ay sinusuhayan;
Ito namang manggang palalo’t mayabang,
Sa pagmamalaki’y ito ang tinuran:
“Hoy, mga kasamang loob ay mahina,
Ano’t tila kayo’y nangababahala?
Gayong walang hangi’t panaho’y payapa,
Tukod na nang tukod. Kayo ba’y may sira?”
Sagot ni Bakawan: “Mabuti na yata
Ang handang parati’y nagkakamit-pala.”
Umismid ang mangga’t ang wika marahil,
Mga ugat niya’y hindi masusupil;
Ngunit nang dumatal doon sa pampangin
Ang dahas ng isang bagyong umaangal,
Ang manggang matibay kung ating malasin,
Ay agad nabuwal sa lakas ng hangin.
Ngayon, ang bakawa’y marahang nagsulit:
“Kaibigang mangga, hayan ang nasapit –
Sa taas ng iyong mga panaginip.
Buong katawan mo’y nalublob sa putik;
Kaya alamin mong ang hampas ng langit,
Ay nasa gaya mong may palalong isip.”


