Ang Kawayan at Ang Anahaw

Ang tulang ito ay isinulat ni Proceso Burgos Katindig.

Ang Kawayan at Ang Anahaw

Sa gilid ng isang malawak na parang
Ay mayrong mataas na punong Kawayan;
Ang Kawayang ito ay may kaagapay
Sa isang mababa’t mahinhing Anahaw…

Minsan ang Kawaya’y palaong nagturing
Sa abang Anahaw na kanyang kapiling;
“Ano ka’t ayaw mong pumantay sa akin,
Nang hindi ka tila kawawang malasin?

“Tingnan mo’t sa aking tayog na nasapit
Ay kahalikan ko ang bughaw na langit;
king natatanaw sa buong paligid
Ang bundok, ang dagat, ang talon, ang batis!”

“Ako nga’y mababa, sagot ng Anahaw
Na tinitingala ang punong Kawayan
Datapwa’t sa aking iwing kababaan
Kaya napapansing mataas kang tunay!”

S”aka kung ako man sa tingin mo’y hamak
Ay matatag naman kahit humabagat;
Ang pagkakatayong halos walang tinag,
Sa hampas ng bagyo’y hindi mabagabag!”

“Hindi katulad mo, nagpapakatayog,
Subali’t sa hangi’y napabubusabos;
Kung saan hutukin, doon nahuhutok,
At yukong parating napapahinuhod!”

Ang usaping iyan kung uunawain
Sa tao’y ganito ang nahahabilin;
‘Higit na dakila ang hamak sa turing
Na mayrong matatag namang Simulain!’

 
Ang tulang ito ay masasabi din na isang halimbawa ng pabula sa anyong tula.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *