Ang Guryon

This poem was written by Ildefonso Santos. 🪁

Ang Guryon

Tanggapin mo, anak, itong munting guryon
na yari sa patpat at papel de Hapon;
magandang laruang pula, puti, asul,
na may pangalan mong sa gitna naroon.
Ang hiling ko lamang, bago paliparin
ang guryon mong ito ay pakatimbangin;
ang solo’t paulo’y sukating magaling
nang hindi mag-ikit o kaya’y magkiling.
Saka pag sumimoy ang hangin, ilabas
at sa papawiri’y bayaang lumipad;
datapwa’t ang pisi’y tibayan mo, anak,
at baka lagutin ng hanging malakas.
Ibigin mo’t hindi, balang araw ikaw
ay mapapabuyong makipagdagitan;
makipaglaban ka, subali’t tandaan
na ang nagwawagi’y ang pusong marangal.
At kung ang guryon mo’y sakaling madaig,
matangay ng iba o kaya’y mapatid;
kung saka-sakaling di na mapabalik,
maawaing kamay nawa ang magkamit!
Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,
dagiti’t dumagit, saanman sumuot…
O, paliparin mo’t ihalik sa Diyos,
bago pa tuluyang sa lupa’y sumubsob!

Ang buhay ay guryong malikot, marupok, dumagit at dagitin saan man sumuot.

60 thoughts on “Ang Guryon”

  1. Bigla kong naalala ang kalagayan ng Pilipinas ngayon. Tila nabigyan ako ng pag-asang makibakang muli at yakapin ang pag-asang naging abot-kamay ko noong kampanya. Tuloy ang laban para sa Pilipinas, lagi’t lagi para sa bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *