Ang Dispras Kong Nangungusap

Tula ni Cirio H. Panganiban

Hindi ako si Arlikeng tila sukab kung tumitig,
Di rin ako si Piyerot na lagi nang umaawit;
Ang dispras ko’y si Kupido, maskara ko’y kulay langit,
At ang busog ko ay gintong kasing-uri ng pag-ibig…

Ang supot ko ng kumpeti’y ang puso kong humahanga,
Ang kumpeting pansaboy ko’y ang patak ng aking luha,
Serpentina ang malawig na pagtimpi ko sa nasa’t
Ang dibdib ko ang sa aking serpentina’y may alaga…

Bago kita pagbuhusan ng luha kong nasa puso,
Serpentina’y ihahagis, at kung ito ay lumayo,
Ang busog ko’y gagamitin nang sa iyo ay tumino…

Pagtama ng aking busog sa dibdib mong walang sugat
At kapag sa iyong puso ang busog ko ay tumarak
Ay saka mo parusahan ang lingkod mong sawimpalad!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *